CHAPTER FIVE
"BUKOD sa mabait talaga, eh, naghahanap din iyon ng kapatid na babae, anak," anang nanay ni Riza nang ikuwento niya ang ginawang pakikitungo sa kanya ni Marc. Kagagaling lang ng ina ng rest house para sa pagkain at iba pang kailangan ng binata. Alas-otso na iyon ng gabi. "Siguro hindi pa rin nagbabago 'yong pagkagiliw niya sa 'yo kahit na maraming taon kayong walang komunikasyon," dagdag pa ng ina.
"Aray naman, Inay. Para bang sinasabi ninyo na pagtinging kapatid lang ang iuukol sa akin ni Marc at walang patutunguhan ang pagsinta ko sa kanya. Kilig na kilig na nga ako sa pagkukuwento rito, o." Sinimangutan niya ang ina. Tumawa lang ito. Hindi naman kasi kaila sa ina na magtatatlong taon na niyang tinitilian si Marc. "Maganda kaya ako. At sexy rin. Hindi imposibleng mahulog sa ganda ko si Marc," kunwari ay biro niya bagaman ang totoo ay may kasamang panalangin iyon. Na sana nga ay mahulog ang loob sa kanya ng binata.
Lumakas ang tawa ng nanay ni Riza. "Naku po. Natatakot na yata ako sa hihilingin ko sa 'yo."
Mula sa paglilinis ng camera ay nag-angat si Riza ng tingin. Bigla siyang naintriga sa sinabi ng ina. "Hihilingin na ano po, Inay?"
"Hindi na," pagtanggi nito. Binigyan muna siya ng nang-iintrigang tingin bago tumayo.
Nilambing niya ang ina. "May kinalaman kay Marc, Inay? Naku, alam na alam ninyo kung paano ako bibitinin. Sabihin n'yo na, 'Nay, please."
Her mother laughed merrily. "Eh, kasi nga, nabanggit ko sa kanya na magaganda ang mga tanawin sa mga karatig-bayan. At mukhang interesado naman siya na makita ang mga iyon. Excited pa ng—"
"Ako ang magto-tour sa kanya," agad na pagboboluntaryo ni Riza.
"Iyon na nga sana ang hihilingin ko sa 'yo. Kung puwede sana, samahan mo si Marc sa pamama—"
"Walang problema, Inay. Ako'ng bahala," kinikilig na sagot niya hindi pa man tapos ang kanyang ina sa pagsasalita. Kung puwede lang siyang tumili sa harap nito ay kanina pa niya ginawa.
"Riza, hane, puwede bang patapusin mo muna ako sa pagsasalita, 'ne?"
Napahagikgik siya. "Sorry, 'Nay. Excited lang. Alam n'yo naman na may HD ako kay Marc."
"HD?" naguguluhan nitong tanong.
Ngumisi siya. "Hidden desire, 'Nay. May itinatago ho akong pagnanasa kay Marc."
Nanlaki ang mga mata ng ina. Tila ba hindik na hindik sa kanyang sinabi. Lumakas ang tawa ni Riza. "Biro lang 'Nay. 'To naman, hindi na mabiro." Birong totoo, Riza. Hindi nga ba at hindi mo na mabilang kung ilang pantasya ang binuo mo kasama si Marc. Aminin... tudyo ng isip niya.
Hindi magawang itanggi ni Riza iyon dahil totoo naman. Minsan nga ay nanaginip pa siya ng rated SPG sa pagitan nila ni Marc. Kaulayaw raw niya ang binata sa isang napakainit na sandali.
"Iyon na nga. Mahigit isang linggo lang naman yatang mananatili rito ang batang iyon bago siya lumuwas sa Maynila. Kung ako kasi ang sasama sa kanya, eh, baka hindi mag-enjoy si Marc. Alam mo na, masyadong malayo ang agwat ng mga edad namin. Teka, posible ba na hindi ka muna pumasok sa snack house? 'Di ba at nasa Maynila ngayon si Kaycee?"
Sumeryoso si Riza. Naintindihan niya agad ang gustong mangyari ng ina. Kung siya man ang nasa katayuan nito ay gagawin din niya ang lahat para mai-please ang binata. Kung tutuusin kasi ay ang pagiging caretaker na ang bumuhay sa kanilang mag-ina. Her father died when she was two years old.
"Wala naman pong problema 'yon, Inay. Nasa Maynila si Kaycee pero puwede namang si Tiffany muna ang mamahala roon. Mapagkakatiwalaan naman ang kapatid na iyon ni Kaycee. Pero hiniling ho ba ni Marc na ako ang maging tour guide niya?" Wala kasing nabanggit sa kanya ang binata kanina sa JeRi. Nagkuwento lang si Marc kung gaano kaasikaso ang kanyang nanay.
"Eh, nag-alangan siya noong malaman na may inaasikaso kang negosyo sa bayan."
Napatango-tango si Riza. "Sige po. Hayaan n'yo ho at ako na ang bahala sa bagay na 'yan." Setting her feelings aside, pakiramdam niya ay kailangan niya i-entertain nang husto si Marc dahil sa dalawang rason: una ay dahil amo ng kanyang nanay ang binata na kailangang i-please, at ang pangalawa at importante sa lahat ay dahil iniligtas ni Marc ang kanyang buhay. She owed him a lot. "Siyanga pala, Inay, eh, sikat ho si Marc. Paano 'yon, hindi ba delikado na mag-isa lang siya?" tanong niya.
"Kunsabagay... Baka kung may makakilala man kay Marc dito sa probinsiya, eh, baka iilan-ilan lang naman," ani Riza. "Nabanggit nga ho pala ni Kaycee na nakatakda raw po talagang umuwi sa Pilipinas si Marc para sa isang exhibition, saka meet and greet na rin po siguro para sa mga fans niya. Parang world tour po niya bago magsimula uli ang racing season."
Hindi na naintindihan ni Riza ang sinasabi ng nanay niya. Paano ay kilig na kilig na siya sa kaalamang makakasama niya ang binata sa pamamasyal.
x

YOU ARE READING
My Smiling Assassin (Completed)
FanfictionA Marc Marquez Fanfiction Precious Hearts Romances Marc Marquez ---the reigning MotoGP champion. Tagged as The Smiling Assassin. Marc was charming and he was always wearing his infectious smile that could melt every woman's heart. Walang sinong baba...