Para sa Apwe

1.1K 29 37
                                        

Genre: Angst/Hurt

World: Enca AU

Summary: Sa kagustuhang maging masaya ang kapatid, may ginawa siyang magpapasakit lalo sa sarili.

¤¤¤

Itinago ng anino ng haligi si Amihan, panandaliang ikinubli ang sarili upang mapagmasdan ng malaya ang rehav na naghihintay sa kanya sa gitna ng trono ng Lireo. Mula sa kanyang pinagtataguan, wari niya mula sa wangis nito ang walang mapagsidlang kasiyahan mula sa kumikislap nitong tingin, malaki't matamis na ngiti, at hindi mapakaling gawa.

Humugot siya ng mabigat na hininga, at ipinalanganin sa kaibuturan ng puso na bigyan nawa siya ng kanyang namayapang ina ng sapat na lakas upang makayanan ang anumang balitang ipinarito ng Rehav ng Sapiro.

Pag-apak niya sa silid, madali siyang nilapitan ng napakasayang si Ybrahim. Hinawakan nito ang kanyang kamay na ikinabugso ng kanyang dibdib.

"Amihan!"

Ipinahinahon niya ang kalooban, at binati ito ng malumanay. "Ybrahim." Binawi niya agad ang kanyang kamay mula rito, at binigyan ang rehav ng tipid na ngiti. "Ang sabi sa akin ng dama na may ibabalita ka raw sa akin na hindi maaaring ipagpabukas. Pakiwari ko ay napakahalaga nito kung pagbabasehan sa iyong wangis at pagkaatat na pumunta rito sa Lireo kahit sa kalaliman ng gabi."

Kinamot nito ang ulo dala ng pagkahiya, ngunit hindi nabawasan ang kasiyahang nadarama nito. Ikinagulat niya ng bigla itong lumuhod sa isang binti, ang kanang kamay ay nakapatong sa dibdib, at yinuko ang ulo.

"Hara Amihan, Hara ng Lireo, ako, Rehav Ybrahim ng Sapiro, ay nasa harap ninyo upang hingin ang kamay ng iyong kapatid na si Sang'gre Alena bilang aking kabiyak at maging Reyna ng Sapiro. Bigyan niyo rin kami ng basbas sa aming pagkakaisang-dibdib. Ito ay ipinapakiusap ko sa inyo."

Bigla niyang niyakap ang Sapiryan upang hindi mahalata nito ang ikinukubling kirot ng kanyang puso mula sa kanyang mga mata. "Hindi mo na kailangan hingin pa ang mga iyan, Rehav. Ipinapanalangin ko ang kaligayahan at pagmamahalan ninyo ni Alena."

Lumuwag ang loob ni Ybrahim at hinigpitan nito ang pagkakapit sa kanya. "Avisala eshma, Amihan!"

Tinapos niya ang yakap, at ngumiti. "Masaya ako para sa iyo, hindi lang sa ako ay iyong kaibigan, pati na rin sa ako ay kapatid ni Alena."

Pinahid ni Ybrahim ang kumawalang isang taksil na patak na luha mula sa gilid ng kanyang mata. "Napakabuti mong kaibigan, Amihan. Avisala eshma."

Sinundan niya ng tingin ang papalayong Sapiryan habang pinipilit ang sariling ngumiti sa kabila ng tusok sa kanyang nararamdaman.

Pagbalik niya sa kanyang silid, sumandal siya sa pader at pinakawalan ang mga hikbi at mga luhang kanina pa nais lumabas. Umiyak ng umiyak si Amihan.

Unti-unting bumaba ang kanyang katawan hanggang sa napaupo na siya sa sahig. Ipiniit niya ang kanyang mga kamay sa pagitan ng kanyang mga binti at dibdib.

Sabay sabi sa sarili...

Ninais mo ito, Amihan. Umiyak ka hanggang sa maubos ang luha, hanggang sa wala ka ng maibuga ngayong gabi. At bukas... bukas, magpapakatatag kang muli.

.

.

.

Ilang buwan ang nakakaraan...

"Sigurado ka ba rito, Amihan? Kung ipagpapatuloy ko ang enkantasyon, kung ipagpapatuloy mo itong balak mo, hindi mo na mababawi pa ito kahit na kailan. Habang panahon kang magdurusa mag-isa sa kasawian ng iyong puso. Tumingin ka sa aking mata at sabihin mo sa akin na hindi ka magsisisi sa gagawin nating ito?"

Tumingin si Amihan kay Cassiopeia nang buo ang loob at pasya. "Sigurado ako, Cassiopeia. Ibinibigay ko ang aking salita na hindi ko pagsisisihan ito kailanman."

Tahimik ang sinaunang hara at hinanap kung may bali sa pananalita at wangis ng harang nasa harap niya. Ngunit, wala siyang nahanap. Buo na ang loob ni Amihan.

"Kung ganoon..."

Lumiwanag ang paningin ni Cassiopeia habang binabaybay ang mga salita.

Ivi Ybrahim indellum ese Amihan ivi corra idte enamuya. Ivi Alena ese corra iva yanarte ese adoyaneva.




A/N: Ayaw ako lubayan ng idea na'to kaya sinulat ko na.

Translation: Makakalimutan ni Ybrahim si Amihan mula sa kanyang puso at ang kanilang nakaraan. Si Alena ang nasa puso at ito ang kanyang nakaraan at hinaharap.

P.S. Gawa-gawa ko lng ang spell na yan :)



Copyrights 2016

Plagiarism is a crime.




YbraMihan One ShotsWhere stories live. Discover now