Hoppla! Dieses Bild entspricht nicht unseren inhaltlichen Richtlinien. Um mit dem Veröffentlichen fortfahren zu können, entferne es bitte oder lade ein anderes Bild hoch.
Nagulantang ang lahat ng marinig ang pag-iyak at pagsigaw ng isang enkantada mula sa paanan ng isang bundok, at may liwanag na nanggagaling doon. Ramdam sa apat na sulok ng Encantadia ang hinapis ng nasabing enkantada.
Pinuntahan ng lahat ng panig ang kinaroroonan ng malakas na kapangyarihan na gumulat sa kanila - mula kina Sang'gre Danaya at ang mga tapat kay Amihan, kina Pirena at Hagorn, at kina Lila Sari.
"Anong nangyayari dito?" Bulong ni Aquil.
"Sang'gre Danaya! Mga kasama!" Hinarap nila ang may-ari ng boses at ngumiti nang makita si Muyak.
"Muyak! Alam mo ba ang nangyayari dito?" Tanong ni Danaya sa lambana. Napansin nila ang pagkalungkot nito at nagkunot ang noo.
"Oo, mahal na Sang'gre. Pagkat ang gumagawa ng ipu-ipong ito ay walang iba kung hindi si Reyna Amihan."
"Ang aking kapatid? Ngunit bakit, Muyak?"
"Pumunta kami sa gumuhong kaharian ng Etheria upang makaharap si Bathalamung Ether. Pagkat alam ng bathaluman ang kinaroroonan ni Lira. Nabigo kami na alamin ito, at napahamak at nasugatan pa ang mahal na reyna mula sa pakikipaglaban dito."
"Kailangan ko siyang lapitan!" Hahakbang na sana si Sang'gre Danaya ngunit may pumigil sa kilos ng kanyang katawan. At napansin ng lahat, kakampi man o kaaway, ang isang puting pananggalang na nakapalibot sa kanila.
"Hindi mo maaaring gawin iyon, Sang'gre Danaya."
"Mahal na ninunong Cassiopeia! Anong ibig mong sabihin? Kailangan ng karamay ngayon ng aking kapatid. Kailangan ko siyang lapitan!"
"Paano mo magagawa iyon, Sang'gre Danaya? Paano ninyo lahat magagawa iyan? Walang sinuman ang makakalapit kay Amihan kung hindi ninyo nais mapaslang sa tindi ng kanyang kapangyarihan."
"May ganoong kapangyarihan si Amihan?" Sabat ni Pirena.
"Oo. At mas malakas pa siya sa inaakala ninyong lahat. Magpasalamat na lamang kayo at mabait at mapagmahal ang tunay na reyna ng Lireo."
Namangha at natakot ang mga nakapalibot kay Amihan sa kanya. Na may itinatago pa lang kakayanan ang mahal na reyna na hindi pa nila alam.
"Ngunit gayunpaman, kapatid ko pa rin si Amihan. Kailangan niya ako. Kaya huwag kang humarang sa aking daraanan."
"Hindi maaari, Danaya. Pagkat matagal na dapat ito ginawa ni Amihan. Matagal na dapat siya naglabas ng sama ng loob at hinanakit, ngunit hindi niya magawa noon dahil isa siyang reyna. Kapakanan ng kanyang nasasakupan ang nararapat niyang unahin. Ang nangyari kaninang labanan nila ni Ether ang pumukaw sa kanyang nararamdaman at nagwasak sa pader ng kanyang ikinukubling masasamang damdamin. Ang hindi pa rin nila pagsasama ni Lira ang sanhi ng iyong nakikita ngayon."
Hindi makapaniwala ang mga kasama ni Amihan, pati na rin si Pirena, na may dinaramdam palang ganitong katinding sakit ang kanilang reyna. Alam nilang nalulungkot siya, ngunit hindi ganito.
Tumahan na si Amihan at ang nga ipu-ipong nakapalibot sa kanya ay humupa na rin ang lakas, ngunit hindi pa rin nawawala. Bumagsak ang puso nina Danaya, Ybarro, Muyak, Aquil, Muros, Cassiopeia, at Pirena nang marinig ang sinambit ni Amihan.
"Bathalang Emre, bakit ninyo ako ginaganito?! Ang tanging hiling ko lang ay makasama si Lira. Si Lira na natatanging natitira na lamang sa akin! Ang aking pinakamahalagang kayamanan! Bakit?! Hindi ko ninais maging reyna pero ako ang napili! Inuna ko ang iba kaysa sa aking sarili. Kaya pagbigyan niyo ako! Ibalik niyo sa akin si Lira!!"
Sumigaw ang reyna ng mga diwata abot hanggang Devas. Dama ng lahat ng nakaririnig ang kanyang hinaing at hinagpis bilang ina at reyna ng Encantadia.
Tumingala sila sa langit at nakitang may tatlong tala na bumaba sa kinaroroonan ni Amihan - ang dalawa sa mga ito ay lumuhod at niyakap si Amihan, habang ang isa ay nakatayo na may distansya mula sa tatlong nagyayakapan.
Humawi ang liwanag at nakilala nila ang tatlong tala. Sina Ades, Raquim, at Mine-a.
"Ina...?" Sambit nina Pirena at Danaya.
"Tahan na, Amihan," rinig nilang sambit ni Mine-a. "Narito na kami ng iyong ama. Dadalhin ka namin kung saan ka maaaring magpahinga pansamantala. Kung saan maaaring mamahinga ang iyong pagod nang puso."
"Ina... Si Lira. Nais ko lamang makasama si Lira."
"Dadalhin natin siya, Amihan. Ako mismo ang magpapalaya kay Lira." Sabay haplos ni Raquim sa buhok ng anak.
"Avisala eshma, ina, ama." At tuluyan nang nahimbing ang anak sa bisig ng kanyang ina.
Tumayo si Raquim at gamit ang kapangyarihang binigay ni Emre, nilutang niya papunta sa kanya ang kwintas, kung saan nakatali ang bolang kristal na kinalalagyan ni Lira, mula kay Hagorn. Hindi na nakapalag si Hagorn pagkat mabilis ang paglutang ng kwintas papunta sa kamay ni Raquim. At binasag na nito ang kristal na nagpalaya kay Lira.
Luhaan si Lira nang makita nila ang kanyang wangis pagkat narinig niya ang hinaing ng ina. Pagkalabas ay dali-dali niyang niyakap ang ina na nais na rin niyang makasama.
Lumapit si Raquim sa kanyang mahal, anak at apo, at naglaho.
"Anong nangyari? Saan nila dadalhin si Amihan at Lira?" Tanong ni Danaya.
"Sa Devas, mahal na Sang'gre." Wika ni Ades.
"Paanong mangyayari iyon kung hindi naman patay ang dalawa?" Pagtataka ni Pirena.
"Pagkat narinig ni Emre ang hinaing ng inyong kapatid. At bilang sukli sa kanyang nagawa at magagawa pa nilang dalawa ni Lira para sa Encantadia, binigyan sila ng pagkakataon upang ipahinga ang kanilang mga puso at magkasama na dalawa."
"Ngunit... magiging maayos lamang sila Ades?" Tanong ni Ybarro, na nag-aalala para sa mag-ina.
Hindi sumagot si Ades sa katanungan ng prinsipe, bagkus ay tiningnan lamang niya ng malungkot ito. Alam kasi niya na isa din sa dahilan ng pag-iyak ni Amihan ang prinsipe ng Sapiro.
"Mauuna na ako. Tapos na ang aking tungkulin dito. Avisala meiste."
Matagal rin bago nakasama nilang muli ang mag-inang Reyna Amihan at Diwani Lira.
[Wakas.]
A/N: Naaawa na talaga ako sa kanila. Iwan muna nila saglit ang Enca para makapag-bonding nmn ang mag-ina. Bilang bayad-utang sa lahat ng sakripisyo at gagawin pa ng dalawa sa hinaharap sa pag-una sa kapakanan ng Enca.
Tsk. Kelangan pa pala magwala si Amihan para humakbang si Emre at ang Devas.