Chapter 19
FAVORITE FOOD #16:
FAQ 16:
COMMON REPLY:
DEEP INSIDE:
IMBYERNA #16:
___
"Inday, ihatid mo nga itong sulat ko kay Gavril. Sige na," bulong ko kay Inday habang nagme-makeup siya.
"Pasulat-sulat ka pa, Ma'am, kausapin mo na lang. Nakita mo nang busy ang tao, eh," ganting bulong niya.
Bruha talaga, 'di ba? Palibhasa, bonggang-bongga ang love life niya, nalimutan nang ako ang amo. Ang totoo, naiinis ako kasi dalawang araw ko nang hindi nakakausap at nakikita si Gavril. Wala kaming usapan na gabi-gabi kaming magkikita pero parang ganoon na rin kasi naging gawain na namin. Pero noong isang gabi at kagabi, inumaga na ako sa paghihintay, wala pa ring Gavril na dumating. Nag-aalala ako, sa totoo lang. Pero ang sabi naman ni Inday, sabi daw ni Martin ay maayos naman daw si Gavril. So ano'ng problema?
Hindi ako mapakali. Hindi ako sanay sa ganito. Sanay na akong parati kaming magkasama ni Gavril.
"Nami-miss ko na siya, Inday!" sabi ko, pabulong pa rin.
"OA ka, Ma'am. Dalawang araw mo lang hindi nakita, para ka nang asawa ng OFW," sabi ng bruha, finishing touches na ang paglalagay ng kolorete.
"Eh, palibhasa ikaw parati mong nakikita si Martin! Ihatid mo na ito, sige na." Inilagay ko ang sulat sa kamay niya.
"Hmp! Sige na nga." Tumayo na ang bruha, lumabas sa kuwarto.
Inip na inip ako sa paghihintay. May isang oras bago bumalik ang bruha.
"Ba't ang tagal mo?" sabi ko, inis na.
"Eh, Ma'am…" Kinamot ni Inday ang ulo niya, saka ibinalik sa akin ang sulat.
"Hindi mo ibinigay? Lumandi ka naman, 'no? Pambihira ka, Inday—"
"Ma'am, oo at lumalandi ako pero maaasahan ako sa ganyan. Ibinigay ko, ayaw tanggapin! Sorry ka, laos na ang alindog mo."
"Ano?!"
"LAOS NA ANG ALINDOG MO, MA'AM, kung alindog mang matatawag ang mga bilbil na nagkalat sa katawan mo—"
"Inday, seryoso ako!"
Bigla siyang parang nalungkot. "Ma'am, pinapatawa lang kita. Halika, upo ka muna."
Kabado na nga ako, lalo pa akong kinabahan. Naupo kami sa kama. Hawak ni Inday ang kamay ko. "A-ano ba talaga ang nangyari?"

YOU ARE READING
Diary ng Chubby [Published under PHR]
RomanceMataba ako. Malaki ang tiyan ko pero hindi ako buntis. Kapag yumuko ako, hindi ko abot ang mga paa ko. Mataba ako. At hinuhusgahan ako ng tao base sa timbang ko at size ng mga pata ko. Maraming impression sa akin ang mga tao na nakabase sa dami ng b...