CHAPTER 3
FAVORITE FOOD #4: Chocolates
FAQ 4: Ano'ng size ng baywang mo?
COMMON REPLY: Secret!
DEEP INSIDE: Suntukan na lang tayo!
IMBYERNA #4:Kapag hindi makuha sa tingin ang kundoktor o barker ng jeep at ipinaggigiitan niyang waluhan ang jeep kahit ang totoo, pitong Kim Chiu lang ang kasya.
___
Balikwas ako ng bangon, halos mabingi sa lakas ng sounds.
Piririp-pipiririp… Piririp-pipiririp…
Papirip-papapirip… papirip-papapirip…
Piriri-piri-piri-piririp…
Hay, Dayang. Hay, Dayang.
Dayang, Daaaayng, Dayang, Dayang... Dayaaang…
Maliwanag na ang paligid. Hindi ko na katabi si Inday. Dinidilaan ni Ham ang binti ko, habang umuungol si Toci. Siguro nagtatampo ang dalawa dahil si Inday ang katabi ko kagabi, hindi sila.
"Lintik na Inday," bulong ko, asar. Bumabayo ang bass ng sound system, parang grand opening ng mall, umaalingawngaw ang makabagbag-damdaming Dayang-dayang. Sino ang hindi masisira ang umaga?
Lumabas na ako sa kuwarto, tumuloy sa sala. Hayun ang malditang Inday, naka-leotards na pang-summer ang design, palibhasa one-piece swimsuit talaga. Electric blue ang tights ng bruha, may headband na kulay-pink, may wristband na dilaw. To the tune of Dayang-dayang, nagsu-Zumba ang lukaret, feel na feel ang sayaw, parang nagdi-disco.
"Ang aga-aga, Inday!" singhal ko.
"Ma'am, join na kayo! Whooo! Ang sarap magpapawis, tanggal ang sebo!"
Sarap banatan. "Hinaan mo nga 'yan! Nasisira ang mood ko!"
"Nakakasira po talaga ng mood 'pag walang manliligaw, Ma'am." Ngiting-ngiti ang imbiyerna.
"Hoy! May mga manliligaw ako!" Namaywang ako para maalala niyang ako ang amo.
"Huuu! Nasaan kaya?"
Matagal na itong si Inday sa amin, natural na alaskadora at minsan mali-mali. Kung hindi lang mabait din naman at maaasahan, malamang dinaganan ko na ang babaeng 'to noon pa.
"May almusal na ba?" Change subject na. It hurts.
"Meron na, Ma'am. Danggit at friend rice. Alam ko namang hindi kayo puwede na walang almusal at tatlong merienda sa umaga. HA-HA-HA!"
Sarap kalusin. "Ang yabang mo naman. Sino'ng ipinagmamalaki mo, 'yong manliligaw mong nagde-deliver ng tubig? Hindi ba kulay-blue ang isang mata non? Bulag ang isang mata kaya natipuhan ka! HA-HA-HA!" Ginaya ko 'yong todong-tawa niya, talagang "HAHAHA," todo-nganga.
"At least merong manliligaw. 'Di bale, ma'am, kapag nagkaanak na ako, dito pa rin kami titira para may kasama ka sa pagtandang dalaga mo."
Malapit nang samain sa akin itong si Inday. "Patayin mo na 'yang player, ah!"
Tumuloy ako sa kusina. Nawala ang sounds, sumunod si Inday sa kusina, may tuwalya nang nakasabit sa leeg, pinupunasan ang mukha at leeg. "Whoo! Sarap mag-eksarsays! Iwas-iwas sa pats pag may time."
"'Pag may time ka diyan." Inirapan ko ang bubwit. Hindi siya mataba talaga, payat kung tutuusin, pero malaki ang puson. "'Yang puson mo ang i-Zumba mo at naipon diyan lahat ng taba! Kumain ka na nga, nabubuwisit ako sa 'yo."

YOU ARE READING
Diary ng Chubby [Published under PHR]
RomanceMataba ako. Malaki ang tiyan ko pero hindi ako buntis. Kapag yumuko ako, hindi ko abot ang mga paa ko. Mataba ako. At hinuhusgahan ako ng tao base sa timbang ko at size ng mga pata ko. Maraming impression sa akin ang mga tao na nakabase sa dami ng b...