Kumusta?

26 1 0
                                        

"Kumusta na?"

Ilang linggo?  Buwan?  O taon na nga ba ang lumipas?
Kay tagal na rin siguro. Uuwi ka na ba ng Pilipinas? 
O baka naman diyan ka pa rin magpapalipas
Ang layo mo naman kasi. Kumusta sa itaas?

Sayo'y nakatanggap ng liham
"Kumusta?" Tanging laman nitong papel na hawak ko
Katagang paulit-ulit sa'yong mga liham
At pilit ko pa ring iniiwasan. Hindi ko alam kung paano.

"Kumusta?" Naaalala ang 'yong imahe kasabay ng tanong mo
Tinig mong papasok sa aking kanang tainga
At pilit kong ilalabas sa kaliwa
Magbibingihan. Dahil hindi ko alam kung paano.

"Kumusta" bakit ba ang hirap  ng tanong mo?
Isang salita. Ngunit ang bigat ng dating nito.
Hindi alam ang isasagot ko
Malala... Hindi alam kung paano.

Ang daya naman kasi. Ano...
Anong isasagot ko?
Sasabihin bang kasalanan mo?
Kasalanan natin? O ba ka kasalanan ko?

Hintayin mo ako, tinuran ko
Ako ang lalapit, hintayin mo ako
Bakit ba kasi ang kulit mo? 
Sabi ko hintayin mo ko. Ako... 'Yong lalapit sa'yo.

Pero huli na. Makulit ka
Mga ngiting mong abot tainga
Tila huminto ang mundo sa tunog ng makina
Mga ngiting napalitan ng nagsagsagang mga luha

"Kumusta?" Ngayon, kaya ko bang sagutin? 
Hawak ang 'yong mga kamay, umuusal ng panalangin
'Wag naman ngayon sa'kin ika'y kunin
May tanong pang dapat sagutin.

"Kumusta?" Usal mo sabay ng luha
Iling... Walang mamutawing salita
"Kumusta?" Pag-uulit mo
Panibugbo. Sakit. Maaari bang 'yan ang sagot ko?

Ilang linggo?  Buwan?  O taon na nga ba ang lumipas?
Kay tagal na rin siguro. Uuwi ka na ba ng Pilipinas? 
O baka naman diyan ka pa rin magpapalipas
Ang layo mo naman kasi. Kumusta sa itaas?

Huwag kang mag-alala
Okay na ako.

Random ThoughtsWhere stories live. Discover now