Ikaw't ako

73 3 0
                                        


Sa panahong nabago at naluma, 'di ikaw ang dahilan. Panahon ang may takda. Sa bawat letrang nag-aalimpuyos sa'yong mga labi, 'di ako nagbingi-bingihan. Realidad man ang sumampal sa'yo, 'di ako nagbulag-bulagan. Sa bawat letrang isinisigaw mo, ako ang tanging tagapakinig mo. Ang mainit na likidong nagmula sa'yong mga mata't umagos sa 'yong pisngi, kailanman ay 'di ko iniwasan. Sa bawat letrang isasatitik mo, ako't ikaw lang ang may alam nito. Ako't ikaw, ang may alam kung anong mayro'n tayo. Relasyon na tila higit pa sa isang kaibigan. Lumisan ka man, ako'y mananatiling sandalan. Mundo'y naging mapusok, ika'y tunay na sinubok. Unos, tunggalian ng tao sa kalikasan? O baka sa kalakasan? Katawan mo'y naging marupok. Nilisan ang kwartong ating tahanan. Bakit? Bakit kailangang lumisan? At ako'y naiwan sa kwartong dilim ang tanging ilaw. Boses mo'y kailan ko muling maririnig? Maiinit mong palad, kailan muling hahaplos sa aking balat? Kaibigan, kailan mo ako muling babalikan? Kailan muling dadampi ang 'yong pluma sa aking pahina? Blanko, mananatili nga ba ito gaya ng kwartong ito? H'wag kalimutan, ako'y iyong talaarawan na mananatili mong sandalan. At sa 'yong pagbabalik, kahit kamatayan ma'y hindi tayo paghihiwalayin. Kaibigan, tandaan ako'y 'yong talaarawan.

Random ThoughtsWhere stories live. Discover now