"Tahan na, Mi," alo ni Warren.
Nakasubsob ako sa dibdib niya at umiiyak sa yakap niya. Nasa may gazebo pa rin kami. Ewan ko kung bakit ang weird ko, pero pagkatapos ng halik, bumuhos uli ang luha ko sa saya at sakit ng hindi ko in-expect na confession niya. Kung kanina, parang sasabog ako sa tensyon, ngayon naman ay parang sasabog ako sa pagmamahal.
Parang hindi totoong nangyayari ang mga nangyayari kahit na nando'n naman talaga 'ko. Ang sarap tumalon at sumigaw at magpagulong-gulong. Ang sarap ding magpayakap lang.
"Bakit ka umiiyak? Galit ka ba dahil sa halik?" maingat na tanong niya.
Magagalit ba 'ko ro'n eh gumanti nga ako? Ang tagal pati. "Hindi 'yon..."
Makapal ang boses ko sa emosyon at pag-iyak. Sinisipon na rin ako.
"Masisira na 'yang make-up mo," aniya. "Patingin nga ng mukha mo."
" 'Wag!" Sumubsob ako lalo sa kanya. " 'Wag mo muna akong tingnan..."
"Bakit?"
"Ang pangit ko..."
"Hindi ka naging pangit kahit kailan sa paningin ko," aniya.
"Sabog ang make-up ko..."
"Ano naman?"
"Eh..." Nakumos ko ang likurang tela ng suit niya na kinakapitan ko. "Nahihiya ako..."
Mahina siyang tumawa. "Bakit?"
"Nakakahiya eh."
"Bakit nga?"
Umangil ako. Kailangan ko pa bang i-explain? 'Pag tumingin siya sa mukha ko, kikiligin ako. Eh, umiiyak pa nga ako. Nakahihiya kayang kiligin habang umiiyak.
"Dito muna ako..." sabi ko.
Hinaplos niya ang buhok ko at hinigpitan ang yakap sa 'kin. "Ano'ng muna? Kahit dito ka lagi, okay lang."
'Ayan na naman siya. Umiiyak pa nga ako, hinahalukay niya pa lalo ang emosyon ko.
Nagpatuloy ako sa pag-iyak sa dibdib niya hanggang sa abutan na niya 'ko ng panyo. Kahit nang makalma ako, pinagbawalan ko pa rin siyang tumingin. Pumasok kami sa gazebo at naupo ako sa barandilya ro'n. Umalis naman siya sandali.
Pagbalik niya, may dala na siyang bawas na pakete ng wet tissue. Iniaabot sa 'kin.
"Sa'n 'to galing?" tanong ko.
"Kina Libby," aniya. "Punasan mo 'yang mukha mo. Sira na'ng make-up mo."
Sinubukan kong punasan ang mukha ko pero...
"Ako na nga."
Kinuha ni Warren sa kamay ko ang wet tissue at itinaas ang mukha ko sa kanya. Napalunok ako habang nakabantay sa kilos niya.
Maingat niyang pinunasan ang ilalim ng mga mata ko, ang pisngi ko, at ang ilong ko. Pagtigil ng mata niya sa labi ko, napigil ko ang hininga ko.
"Sira na'ng lipstick mo," sabi niya.
Napatingin ako sa labi niya. May mantsa 'yon dahil sa 'kin.
"May lipstick na kita," sabi ko naman.
Ngumiti siya at napahawak sa labi niya. "Talaga?"
Inirapan ko siya. "Bakit parang natutuwa ka pa?"
Pero lumapad lang ang ngiti niya. Nakaiinis.
Humugot ako ng panibagong tissue sa pakete at hawak sa kurbata na hinila siya palapit. Maingat kong pinahid ang lipstick sa labi niya.

YOU ARE READING
Clueless (Candy Stories #3)
Teen FictionNo plot twists or whirlwind romance like in the books. Such is the fate of a side character like Mimi, who neither has a face, body, brains nor background worth boasting about. But what if she realizes that you don't need to be extraordinary to be l...