Chapter 12: Wrong Confession

34.2K 1.7K 528
                                        


Ayoko sanang pumunta sa compound para mag-record. Pero eksakto alas-sais, kumatok si Warren sa pinto ng bahay at kunot ang noong nagyaya.

Kung nalalasahan ang tensyon sa pagitan namin, busog na busog na 'ko. Sakal na sakal na rin. Iilang minuto pa lang mula sa bahay, sa pagsakay namin ng tricycle papunta sa compound, hanggang sa pagpasok sa studio, mabigat ang hangin.

May tumbler ng tubig at plato ng puto at kutsinta sa tabi ng maliit na mesa kung nasa'n ang laptop ni Warren. Naka-set-up na roon ang microphone at head phones. Naka-open na ang recording software. I checked. May pangalan na rin ang naka-save na work station ng recording namin. Uupo na lang ako at ire-record ang script na printed na rin at nasa sahig.

"P-in-repare ko na lahat," mabigat ang boses na sabi niya. "Mag-record ka na lang."

Pagkatapos, tumalikod siya at bumagsak ang mabigat na pinto ng recording studio sa pagitan namin.

Pumadyak ako sa inis. Siya ang may ginawang masama, pero parang ako ang may kasalanan? Siya ang nakialam sa lakad namin ni Jeron pero siya ang nag-walk-out? Siya talaga? Ako dapat ang magdabog at mainis! Siya dapat ang mag-sorry at manuyo!

Kuyom ko ang kamao ko nang tadyakan ang ibabang bahagi ng pinto. Isang beses. Dalawang beses. Nang tatatlo ako, bumukas iyon nang bahagya at nagkahulihan kami ng mata ni Warren.

May kinang ng tinitimping galit sa mga mata niya. Bakit ba siya gigil na gigil? At kanino? Sa 'kin ba? Kay Jeron? Argh!

"Don't break the door," mabigat ang bawat pantig na sabi niya.

Kung siya kaya ang sipain ko? 'Kala niya ba, kahit mas maiksi ang paa ko kaysa sa kanya, puwede ko siyang sipain nang mahina sa bandang tuhod!

"Why are you glaring at me?" sita niya at pasitsit na ibinagsak pasara ang pinto.

Ginaya ko siya. "Why are you glaring at me?" Magtatanong ka tapos isasara mo ang pinto? Pa'no ako sasagot?! Ah! Kung hindi lang kita mahal, sisipain talaga kita sa tuhod!

Bumukas uli 'yon. "Mag-record ka na."

Bago niya maisara uli ang pinto, inunahan ko na siya. Hinawakan ko ang seradura at itinulak 'yon pasara. Ini-lock ko rin.

Kumatok siya. May sinabi siguro pero hindi ko narinig. Maya-maya, nag-text siya.

Warren Coach-nim >_<:
Don't lock the door.

Mabigat ang daliri ko sa keyboard ng cell phone ko.

Amethyst De Vera:
Pati pag-lock ng pinto
hindi ko pwedeng gawin?

Warren Coach-nim >_<:
Pano ako magche-check sayo
kung naka-lock?

Amethyst De Vera:
WAG KANG MAG-CHECK!
HINDI MO KAILANGANG
MAG-CHECK. HINDI AKO
BATA.

Warren Coach-nim >_<:
Pero para kang bata ngayon.

Amethyst De Vera:
AKO PA TALAGA?
TOPAKIN KA!

Warren Coach-nim >_<:
Mag-record ka na. Unlock
the door.

Amethyst De Vera:
AYOKO. ITE-TEXT KITA PAG
TAPOS NA!

Warren Coach-nim >_<:
Okay.

Amethyst De Vera:
I HATE YOU!

Warren Coach-nim >_<:
Hay.

Pinalitan ko ang pangalan niya sa phone book ko. Mula Warren Coach-nim >_< ginawa kong Warren Topakin. Tapos, napatingin ako sa nakabukas na laptop at sa nakahandang meryenda. May maliit na mangkok ng cheese para sa puto at may kalamay para sa kutsinta. Alam ni Warren na ayoko sa niyog.

Clueless (Candy Stories #3)Where stories live. Discover now