Walang klase noon si Mack at mag-isa lamang siya sa tinutuluyan niyang apartment. Mahigit apat na oras na siyang nakahilata sa kanyang kama, nakatingin sa kisame at nagmumuni-muni.
Maya-maya'y nakaramdam siya ng pagkalam ng sikmura. Noon lamang siya tumayo para magtungo sa kusina at tingnan kung may makakain ba siya. Wala siyang nadatnan.
"Makakain na nga lang sa Flower of the Valley. Nakaka-miss din ang sisig nila du'n," bulong niya matapos isara ang refrigerator.
Naghilamos muna siya at humarap sa salamin. Naging maingat siya sa pagpupunas ng mukha dahil ayaw niyang masugatan ang malapamintang itim na marka sa baba niya. Mahirap na at baka masugat iyon.
Nagsuklay din siya pagkatapos. Kulay lupa, tulad ng kanyang mga mata, ang buhok niya pero kapansin-pansing pumumusyaw na iyon at halos isang pulgada na rin ang haba ng itim at bagong-tubong buhok mula sa kanyang anit.
"Haba na pala ng balbas ko. Makabili na nga ng shaving cream bago umuwi," kumento niya. Dahil maigtid ang kanyang mga panga, ayaw niyang maging balbas-sarado dahil lalong nagmumukhang kahon ang mukha niya.
Nagbihis na rin siya pagkatapos. Hinuhuni pa niya ang tono ng Eyes, Nose, Lips habang nag-aayos.
Dati siyang swimmer at gustong-gusto niya ang kulay ng dagat kaya naman ganoon din ang kulay ng lahat ng kanyang damit, liban na kanyang sapatos na kulay itim at parang pang-sundalo. Tuloy, madalas ay inaasar siyang pulis dahil sa paborito niyang get-up.
Bago siya lumabas, nagpaalam muna siya sa kanyang alagang si Squirtle, na ipinagalan niya mula sa kawangis nitong Pokemon. Hindi rin niya nakalimutang magbaon ng Double Mint chewing gum, na paborito niyang ngatain kapag nagugutom.
Maya-maya'y nasa waiting shed na siya at nag-aabang ng masasakyan. May humintong pampasaherong jeep na may nakasulat na Jesus is our shield and sword. Our Eternal Salvation na may nakadibuho pang mukha ni Kristo.
"Sa Flower of the Valley po," saad niya habang pinapasuyo ang kanyang bayad. Pero walang kumuha ng bayad niya kaya iiling-iling na lamang siya at lumapit sa driver para iabot iyon. Pinili niyang maupo na lamang sa likod ng driver.
"Pogi, anong nangyari d'yan sa kamay mo?" tanong naman ng katabi niyang bakla. Ngumuso pa ito.
"Nadikitan ng nakasinding sigarilyo. Dati pa ito."
"Ah."
Mukhang gusto lang siyang awrahan nito kaya agad niyang pinakitang hindi siya interesado sa pamamagitan ng pagsusuot ng earphones at nakinig ng music.
Muling huminto ang jeep para magsakay ng matandang ale.
Lakas maka-red-head girl ni Lola! Nangingisi niyang monologo habang nakatingin sa kulay pula nitong buhok.
Mukhang nirarayuma na ito dahil nahihirapang umakyat pero walang nag-abalang tumulong sa matanda. Ni wala man lang umusog para makaupo ito. Kung hindi pa magrereklamo ang matanda, hindi uusog ang isang dalagang nakatagilid pa ang upo at animo'y nagsho-shooting pa ng patalastas ng shampoo kung makahawi sa buhok.
"Tsk," talak pa ng dalaga saka umayos ng upo at niyakap ang shoulder bag na para bang hahablutin ba iyon ng katabi.
Napailing na lamang si Mack saka tumingin sa dinadaanan. Nang makita niya ang karatula ng kanyang paboritong kainan, agad siyang pumara at bumaba.
Saktong may palabas na miron ng mga tao. Tila ba kakatapos lamang ng party sa loob dahil halos lahat ng mesa ay may nakapatong na hindi pa nasisimian na plato habang sa gitna naman ay mayroong nakahiwalay na mesa kung saan nakapatong ang mga bandehado ng ulam at kanin.
