Under Ellipsis

178 6 5
                                    

Katatapos lang ng Pasko at laganap sa paligid ang katahimikan. Binabagtas ni Mina ang daan pauwi sa kanyang tahanan. Galing siya ng clinic kung saan siya nagtatrabaho bilang nars. Malamig sa paligid at madarama ang simoy ng panggabing hangin dahil katatapos lang ng sandaling ulan. Tanging mga poste ng ilaw na sampung metro ang pagitan ang nagsisilbing tanglaw sa paligid.

"The petrichor smell, thirsty for a pint of rain," boses na nagpahinto kay Mina sa paglalakad.

Nakita na naman niya ang lalaking iyon na nakaupo sa ikatlong baitang ng hagdan ng isang abandonadong bahay at kumakain ng mansanas habang nakikipaglaro sa alaga nito.

"Longing for a kiss that never came, not until you did."

Isang matipid na ngiti mula kay Mina at piniling lapitan ang lalaki kaysa bagtasin pa ang kanyang daan. "Mack."

Napatingin ang lalaki kay Mina. Inilapag sandali sa gilid nito ang alaga. "O? Gabi na a. Ngayon ka pa lang uuwi?"

Tumango si Mina at nakangiting tiningnan ang alaga ni Mack na napakabagal kumilos paalis sa pinaglapagan dito. "At talagang sinulatan mo ang bahay ni Raphael ha." Pagtutukoy niya sa katawan ng alaga ni Mack na may kulay itim at pulang pintura. "Kapag iyan nag-transform sa pagiging ninja dahil sa kalokohan mo, ewan ko na lang."

Natawa si Mack. "Malay natin maging ninja nga si Raph." Dali niyang kinuha ang alagang nagkikiwag-kiwag pagkaangat sa sahig. Hinubad niya ang suot na gatsby, hinawi ang buhok na mula sa pagiging kulay tsokolateng gaya ng kanyang bilugang mga mata ay pinalitan niya ng ginto dahil sa pagkatalo sa isang pustahan, at muling isinuot ang takip sa ulo. Tumayo na siya sa kinauupuan at pahagis na itinapon sa pinakamalapit na basurahan ng sirang bahay ang gitnang parte ng kinaing prutas bilang hapunan.

"Nabawi mo na si Eleonor?" nag-aalalang tanong ni Mina. "Wala pa rin siya sa parking."

Nanatili ang ngiti ng lalaki ngunit pansin sa mga mata nito ang kawalang-saya. "Wala akong ibibigay sa kanilang pag-aari ko."

Pinanood ni Mina si Mack na bumaba ng hagdan habang isinisilid nito ang alaga sa kaliwang bulsa ng suot nitong varsity jacket na may nakalagay na iron59 sa likod. Nangingibabaw ang matingkad na kulay ng damit ng lalaki na tila tubig na umaalon tuwing tinatamaan ng bahagyang liwanag mula sa pinakamalapit na poste ng ilaw sa kinalulugaran nila.

"Bakit mo ba kasi pinatulan ang mga iyon?" nahaluan na ng inis ang salita ni Mina.

Umiling si Mack at dinukot sa bulsa ang isang pakete ng I-Cool. Inakbayan niya si Mina at niyakag na pauwi. "Gabi na, dapat hindi ka na nagpapaabot ng ganitong oras sa labas. Tara, ihatid na kita sa inyo."

Kunot-noo lang na naglalakad si Mina habang binabagtas nila ni Mack ang kalsadang hinihihipan ng malamig na hangin. Hinubad ng lalaki ang jacket at isinuot kay Mina.

"Pamisan-minsan, may mga naghahanap sa iyo sa akin," ani Mina nang maalala ang mga lalaking minsa'y pinupuntahan pa siya sa klinika upang tanungin ang tungkol kay Mack.

"A, iyon ba." Nahimas ni Mack nang wala sa oras ang kumakapal na ring buhok sa ilalim ng kanyang babang binalot na ang hugis-kahong panga niyang hindi na nakatikim ng pag-ahit sa loob ng dalawang buwang pagpapabaya sa sarili. "Sana hindi ka na nila guluhin. Labas ka naman sa buhay ko para pakialaman ka nila."

"Mack," alalang tawag ni Mina. Napansin na naman niya ang bakas ng matagal nang sugat sa puno ng kamay nitong nakuha noong minsan siyang iligtas ni Mack mula sa isang aksidente. Alaalang nakatatak sa magandang kulay ng balat ng lalaking hindi maputi ngunit hindi rin naman kaitiman.

"Hindi mo kailangang mag-alala sa akin, Mina. At sisiguraduhin kong hindi ka na rin guguluhin ng mga taong pinupuntahan ka pa sa trabaho mo," paninigurado ni Mack sa kanya.

Catharsis III: Round OneWhere stories live. Discover now