NAGPAHULA, NANIWALA, ANO'NG NAPALA?

285 7 11
                                    

"UNAHAN ang sorpresang paparating sa buhay mo. Alamin ang iyong kapalaran dito sa... MACKhuhula!" basa ko noon sa caption na nakasulat sa malaking tarpaulin na nakapaskil sa labas ng isang kulay rainbow na bahay – dahilan kung bakit isa iyon sa main attraction sa barangay namin.

Nakasandal ako sa posteng katapat no'n habang nakasuot sa magkabilang bulsa ng aking pantalon ang namamawis kong mga kamay. Papasok ba ako o hindi?

Matapos ang ika-sampung tanong ko sa sarili, namalayan ko na lang na dinadala na ako ng aking mga paa patungo sa pintuan. Hindi ko alam kung ano'ng makukuha ko sa binabalak ko, pero sawa na ako sa pakiramdam ng naghihintay at umaasa nang mga sandaling iyon. Pakiramdam ko noo'y nawawalan na ng direksyon ang buhay ko at gusto kong makapaghanda ng Plan B kung sakaling malaman kong lalagapak ako.

Matapos ang pagtunog ng wind chime na nakasabit sa pinto ay ang pagsalubong sa akin ng tila maanghang na amoy ng paligid at ng isang nagsasalitang palaka, este taong boses palaka. "Good morning, Baby Boy! How do I make tulong to you?" Napangiwi ako sa kalandian ng tinig, ngunit itinuloy ko pa rin ang pagpasok.

"Magandang araw po," tugon ko sa isang lalaking nakaupo sa likod ng mesa kasabay ng paglapit ko roon. Kulay dilaw ang buhok nito, kakulay ng pader, na hanggang balikat ang haba. Suot naman nito'y isang stripes na bestidang kakulay ng kalangitan na siyang kulay rin ng suot niyang bonnet, at isang kulay uling na sapatos pang-ulan. Tila ba binabaeng bersyon ni Bubbles ng Powerpuff Girls.

"Nako, my day is very beautiful na because I met someone so pogi like you. Ang haba ng yellow hair ko ngayon o! Pak na pak! Ano'ng maipaglilingkod ko sa 'yo, Baby Boy?"

"Nandito po ba si Mang Mack?" Hindi na ako nagpaliguy-ligoy pa. Gusto ko nang matapos ang pag-uusap namin ng baklang kaharap ko noon dahil pakiramdam ko'y masisimot niya ang kapirangot na laman ng utak ko sa pag-intindi ko sa lengwahe niya. Isa pa, tumatayo ang lahat ng buhok ko sa katawan sa bawat paghaplos niya sa kamay ko. Pati sa kilikili.

Napansin kong nagpigil siya ng tawa bago niya ako sinagot. "As in si Lolo Mack na siyang nanghuhula since 1940's? Wala. Umalis. May sakit. Busy. Deads na. Joke lang. Pero kung like mong magpahula now, I'm here naman. Mack the third, the young one, just twenty-three years old single and ready to mingle. Our genes is the best manghuhula in the world. You can trust me, Baby Boy."

Napa-awang ang bibig ko. Una, dahil napagtanto kong hindi ko pala siya pwedeng iwasan dahil siya naman pala ang ipinunta ko roon. Pangalawa, dahil hindi ko alam kung mapagkakatiwalaan ko nga ba siya. At pangatlo, dahil sa pagtalsik ng laway niya sa mukha ko. Hindi ko alam kung paano umabot iyon, pero hindi ko na iyon pinroblema pa.

"Ano na, Baby Boy? Deal or no deal? Hm, shine bright like a diamond pa naman ang nakikita kong future. Gusto mo bang malaman?"

Walang pang isang segundo ang pagtugon ko ng, "Oo!" nang sabihin niyang may maganda siyang nakikita sa hinaharap ko. Bahala na si Darna sa 'kin. Naniniwala naman ako sa kasabihang: Don't judge the book by its cover.

Umupo na ako sa isang silya sa harapan ng mesa niya. Pinaharap niya ako sa kaniya kaya wala na akong nagawa kundi pigil-hiningang itinuon sa kuwadrado niyang mukha, na may mga one millimeter na buhok sa paligid ng maputlang mga labi, ang atensyon ko. Naniniwala rin naman ako sa sabi-sabing: Face your fears.

Naniningkit ang mga mata niyang kulay tsokolate, na kung wala sa ilalim ng bombilya'y mukhang itim lang, habang dahan-dahan niya akong ginagahasa ng kaniyang pagtitig. Halos isang minutong kuliglig lang ang maririnig sa buong lugar, bago siya nagsalitang muli.

"May job interview ka 'no?" Wow! Paano niya nalaman? Isang tango lang ang naisagot ko habang namamangha sa pagpapakita niya ng kaniyang kakayahan. Lumapad ang ngiti niya na nagpakita ng mala-kuneho niyang ngipin.

Catharsis III: Round OneWhere stories live. Discover now