Biyernes ng hapon oras ng uwian ng mga empleyado, lahat ay ngarag at nagmamadaling umuwi. Pauwi na rin sana ako ng maabutan ko ang pormang-porma na kasama ko sa opisina.
"Mario, pogi natin ngayon ha! Saan ang lakad?"
"Nothing. Trip ko lang talaga pumorma ngayon," sagot ni Mario.
"Weird mo, tol," sinabi ko nang mahina.
"Ano weird ako?" Narinig naman pala.
"Sabi ko ang pogi mo talaga, bingi ka lang," wika habang matawa-tawa pa.
"Magsisimba kasi ako. Ayan, sinabi ko na kahit alam kong tatawanan mo lang ako.
Oo nga pala Mack, may sulat para sa 'yo." Pagkaabot nito sa akin ng sulat ay umalis na ito. Naiwan naman akong nagtataka dahil wala naman akong inaasahang sulat at wala ring pangalan sa labas ng sobre.
Bumalik na ako sa opisina at umupo sa aking pwesto saka dahan-dahang sinira ang sobre. Pagka-kita ko sa sulat ay agad kong nakilala ang sulat-kamay nito. Napahawak na lang ako buhok sa aking baba at inumpisahang basahin ang nilalaman nito.
***
Dear Mack,
Kumusta ka na? Naaalala mo pa ba ang babaeng di-n-ate mo dahil sa challenge ng mga ka-tropa mo sa 'yo? Hahaha. Uy, 'hindi ako galit. Huwag sanang kumunot ang noo mo. Gusto ko lang sumulat sa 'yo para sariwain ang unang pagkikita natin hanggang sa paghihiwalay at pagsisimula kong mag-move on.
Naalala mo pa ba noong una tayong nagkita? Nakakatawa dahil napeke ako sa itsura mo. Para ka kasing amerikano sa kulay ng buhok mo, akala ko ay natural. Hilig mo rin kasing mag-ingles at ngumuya ng paborito mong candy na malamig sa bibig. Alam mo, sobrang lakas ng dating mo sa suot mong pugong, pati sapatos mong gawa sa tela na naka-wax ng itim at mukha mong mala-tray. Uy, biro lang! Naaalala ko rin ang balat mong hindi kayumanggi at hindi maputi na lakas maka-gwapo. Idagdag pa ang bilog na marka na tila ginamitan lang ng pentel pen sa pagitan ng mukha at leeg mo. Matapos tayong ipakilala ng mutual friends natin ay lagi na tayong nagkikita kapag may laban kayo sa activity center ng university.
Noong minsan nanood ko ng basketball, aaminin ko, napansin ko agad ang patse sa hita mo dahil naka-jersey pati ang bakas malapit sa kamay mo. Medyo halata at nasabi mo ngang nakuha mo 'yan nang minsang may bitbit kang takure. Natatandaan ko rin na hilig mong magsuot ng mga damit na kakulay ng ulap o ng tubig sa swimming pool at ang favorite pet mong si Tori. Mabagal pa rin ba ang gapang niya? Malamang kasi may shell siya haha. Ang korni ko pa rin no?
Una pa lang nagustuhan na kita kahit may pagka-mysterious ka. Ang interesting mo at parang ang sarap alamin ng mga bagay-bagay tungkol sa 'yo. Nalaman ko na hindi ka pala naniniwala sa existence ni God.Nalungkot ako noong una pero anong magagawa ko, paniniwala mo 'yan mula pagkabata mo. Kapag tinatanong kita sa pananaw mo sa buhay ay napaka-honest mo. Hindi ka nahihiyang sabihin ang nasa saloobin mo. Hindi ka man palakibo pero kapag nakagaanan mo na ng loob ang kausap mo, ang daldal at ang kulit mo pa. Kaya lalo kitang nagustuhan e. Magkaibigan lang sana tayo pero dahil sa makukulit mong tropa ay nag-date tuloy tayo at 'yon nga mas lumalim pa hanggang sa dumating tayo sa first monthsary natin. Nagregalo ako sa 'yo noon ng tsinelas para lagi mong suot sa bahay at maaalala mo ako. Ikaw naman, payong ang bigay mo dahil lagi kong nakakalimutan magdala lalo kung umuulan. Napaka-practical natin 'di ba? Pati maaga pa lang pinaghahandaan natin ang future natin.
Alam mo bang magdadalawang taon na sana tayo sa Nobyembre? kaso parang tinapon lang sa basurahan ang pinagsamahan natin. Kahit magkita tayo ay hindi na tayo nagkikibuan. Parang hindi tayo nagkakilala. Ang daming nagbago matapos ang graduation. Alam kong wala na akong karapatang magtanong sa kalagayan mo o manghingi man lang ng patawad. Pero patawad dahil kailangan nating magkahiwalay. Patawad dahil mas pinili kong sundin ang gusto ng mga magulang ko. Fatal na ang condition ng mama ko noon at ayokong mamatay siya na binigo ko siya kaya kahit ayaw ko ay nagpakasal ako sa lalaking gusto nila para sa akin. Ginawa ko 'yon dahil alam kong hindi rin tayo magtatagal. Aabot din tayo sa panahon na hihilingin ko ang mga bagay na hindi mo maibibigay.
Alam kong galit ka pa rin hanggang ngayon pero gusto ko lang sabihin sa 'yo na mahal na mahal pa rin kita hanggang ngayon pero alam kong hindi na magiging tayo. Hindi na ako aasa dahil sabi mo nga, "There is no such thing as fate or destiny. Only chances."
Mag-iingat ka lagi. Sana matagpuan mo ang babaeng makakapagpabago ng pananaw mo.
Last na 'to, pangako.
-Aileen
Matapos kong mabasa ang huling mga salita sa sulat ay pinunasan ko ang panay tulong luha sa mga mata ko. Habang nagbabasa ako ay pinipilit kong pakalmahin ang loob ko. Hanggang ngayon, si Aileen pa rin ang gusto ko. Siya pa rin ang nasa puso ko kahit hindi niya ako ipinaglaban.
Bakit nga naman ako magugustuhan ng mga magulang at kapamilya niya,e iba ang paniniwala ko at hindi kami makakasal sa simbahan. Bagay na naibigay ng taong pinakasalan niya. Alam niyang una pa lang ganito na ako pero hindi siya nagtangkang baguhin ako.
Nilamukos ko ang papel at agad lumabas ng opisina. Tinapon ko ang hawak kong sulat. Habang nasa labas at nagpapahangin ay may pulubi na lumapit sa akin. Binigyan ko na lang ng barya para umalis na pero ang huling apat na salita niya ang nagpatigil sa akin at nagpaulit-ulit sa aking pandinig.
"Kawaan ka ng Diyos."
"Kawaan ka ng Diyos."
"Kawaan ka ng Diyos."
Diyos?
May Diyos nga ba talaga?
Naririnig kaya ako ng Diyos na sinasabi nila ngayon?
Naaawa kaya siya sa taong kagaya ko? Kagaya ko na hindi naniniwalang nag-e-exist siya sa mundo. Eto kaya talaga ang tamang landas na tinatahak ko?
Nababaliw na yata ako. Kung ano-ano ang naiisip kong kalokohan.
