"Sumunod kayo sa'kin, Marco," saglit kaming pumasok ni Sarah sa barung-barong ni tatay Mariano.
Kagaya nung tahanan ni Martha, bilang na bilang ang mga kagamitan sa loob nang munting kubo na tinutuluyan ng matanda.
Hindi nagsayang ng panahon ang aming gabay, isang maliit at napakalumang kahon ang kinuha nito sa mula ilalalim ng kanyang papag.
Kasunod nito, isang kapirasong papel na halos inaamag na siguro sa kalumaan ang iniaabot niya kay Sarah. Binuksan namin ito at tumambad sa'min ang isang kupas na larawan.
Nang aming kilatisin, isa pala itong mapa, at ayon sa matanda, ito ang San Isidro.
Namangha kami ni Sarah sa munting pabaon ng ermitanyo. Pareho kasi kaming optimistiko na malaki ang maitutulong nito sa'ming grupo
Bukod sa mapa, may mga ilan pang kritikal na impormasyong ibinahagi ang matanda. Bawat detalye ay sinubukan kong isaulo, kundi man, masusi kong pinili ang mga posibleng makatutulong sa'ming pangkat.
Hindi man alam ni tatang kung paano basagin ang sumpang pumipigil sa'min na makaalis ng San Isidro, labis-labis pa rin ang pag-asang naibahagi niya sa'min ni Sarah. Sa napakaikli at marahil ay mga nakaw na sandaling inilagi namin sa baryo, nakuha nila ang aking respeto at tiwala.
Kung ako ma'y bibigyan ng langit ng pagkakataon, gusto kong tulungan ang mga taga-baryo.
"Marco, tara na?" malumanay na muli si Sarah na tulad ko'y nabuhayan ng pag-asa.
"Tatay Mariano, hindi ko po ito sasayangin. Hinding-hindi po namin makakalimutan ang inyong kabutihan. Maraming salamat."
Sa isang iglap, nabuhay at namayagpag muli sa'kin ang pag-asang makakalabas kami ng aking mga kasamahan bilang isang grupo. "Babalikan ko po kayo, ang baryo."
Naging kampante ako.
"Sandali, iho... isang kahilingan pang muli... kung iyo lamang mamarapatin? Alam kong napakaliit ng tiyansa... na buhay pa siya... o ako'y kanya pang naaalala," muling may kinuha ang ermitanyo sa loob ng kanyang iniingatang kahon.
Nanginginig na naghalungkat ang matanda. Naisip kong itong kahon na siguro ang bagay na nagsisilbi niyang kayamanan, sa isang lugar na pinagkaitan ng pag-asa at sinidlan nang napakaraming sakit, kabiguan, at pagdurusa.
"Nakilala ko siya... sa isang piyesta... maraming tao... maraming dalaga... lahat sila may kakaibang ganda... at alindog. Subalit siya ang nangibabaw... ang bumihag sa'king puso. Paluwas ako noon ng siyudad... upang siya'y suyuin... mahaba na ang aming pinagsamahan... at nais ko na sana siyang amuhin... upang makasama habang buhay."
Isang munting pagbabalik-tanaw ang ibinahagi ng matanda. Sa pagkakataong ito, halos 'di na maitago ni Sarah ang kanyang emosyon.
"Pero... hindi kami nakarating... sa'ming patutunguhan."
Palagay ko'y alam ko na ang nais ng matanda. At dahil doon, para bang dinurog muli ang aking puso at konsensya. May pagkakataong 'di ko na maintindihan ang sinasabi ng ermitanyo, kasabay kasi nang pagpipigil niya ng kanyang emosyon ay ang pautal-utal niyang pananalita.
Sa isang pambihirang pagkakataon, kinurot ang puso ko ng istorya ng isang estranghero na noon ko lamang din nakadaupang-palad.
Akala ko'y nauunawaan ko na ang kanilang kalbaryo, akala ko'y nadarama ko na ang kanilang paghihirap.
Ngunit sa bawat katagang binabanggit ni tatay Mariano, sa bawat nagpapatung-patong na linya ng kanyang munting istorya, at saka ko lamang dahan-dahang naunawaan ang tunay na bigat ng krus na pasan ng mga taga-baryo.
Sa'king gilid, pilit na nagpipigil ng kanyang paghikbi si Sarah. Bawat luha na kumakawala sa kanyang mga mata ay daglian din niyang pinupunasan. Pakiwari ko'y pilit niyang wag takluban ng awa ang pag-asang muling nabuo sa puso ng matanda.
Samantala, may mga sandaling pinili ko na lamang yumuko, sinubukan kong humanap ng mga salitang maaari kong isukli kay tatay Mariano, ngunit wala, sa pagkakataong ito ay walang anumang bagay na sasapat upang pawiin ang pagngungulila ng aking kausap.
Saglit akong tumingala at isinumpa ang langit, ngunit, sa kabuuan nang maikling kuwento ng matanda, ako'y nakinig at nangako sa'king sarili.
Maya-maya pa, pinunasan ng matanda ang kanyang luha.
Iniabot niya ang isang kwintas na tila hinubog sa ginto. Sa sarili ko'y alam ko na ang aking gagawin, kaya nagpasalamat kami ni Sarah bago pa man nagpaalam.
Ngumiti lang ang matanda, na sinuklian naman ng aking kasama. Tumango ito sa'kin at ako'y umayon. Tumalikod siya at matapos ay umupo sa papag. Dinantay niya ang kanyang noo sa marungis niyang saklay at iyon na ang huling imahe ni tatay Mariano na tumatak sa aking isipan.
Isinara ko ang pinto ng kubo at kami ay naghandang lumisan ng baryo upang balikan ang aming mga kasamahan.
Paglabas namin ng kubo, iilan na lamang ang sumalubong sa'min:ang mag-asawa at ang lalaking nagtimbre sa mga taga-baryo ng panganib na nagbabadya.
"Ito si Matias, siya ang magtuturo sa inyo nang pinakamabilis na daanan patungo sa kinalalagyan ng inyong mga kasama," ani Martha.
"Kunin niyo ito, kung maaari. Alam kong wala akong karapatan para humiling ng kahit na ano, ngunit, para ito sa'ming baryo," agad kinuha ni Sarah ang iniabot na papel ni Crisanto.
Bahagya itong lukot at may ilang bahagi pa nga na napunit.
Nung aking pagmasdan, nabatid kong isa itong listahan. Ito marahil ang pangalan ng mga taga-baryo.
"Aaminin kong wala pa yan sa kalahati ng mga taong siyang naligaw at tuluyan nang naglaho rito. Simple lamang ang aking kahilingan, Marco, may mga palatandaan diyan ang pangalan ng mga taong 'di na namin kasama. Nais ko lamang sanang mabigyan sila ng karampatang seremonya at pagkilala. Sapat nang ipagdasal sila ng kahit na sinong pari sa kahit na saan mang parokya. Gusto ko lamang marinig ng langit ang pangalan nila."
Hindi ko inasahang ganun pala kalalim ang layunin ni Crisanto; muli ay napahanga ako ng isang taga-baryo.
"Para sa mga nananatiling nagdurusa, ikaw na ang bahala. Hindi ko alam kung paano... pero, gusto ko lang may makaalala sa'min. Siguro'y sapat na iyon."
"Huwag kayong mawawalan ng pag-asa, aling Martha," pahabol ni Sarah bago kami lumisan kasama si Matias.
"Mag-iingat kayo," ani Martha na nangingilid pa ang luha.
"Kahit anong mangyari pilitin mong lumabas. Kung may kapalit man, sana'y maging handa ka. Huwag kayong susuko," ang huling habilin ni mang Crisanto.
Lumapit ako sa kanya at siya ay aking kinamayan, may binulong kami sa isa't-isa at parehong medyo napabungisngis. Gusto ko lamang pagaanin ang loob ng bawat isa, kahit papaano.
Si Martha naman ay mahigpit na niyakap ni Sarah. Iniwan niya ang kanyang relo at ibinilin ito para kay Mariel, ang munting dalaga na unang kumausap sa'min kanina.
Gaya ng bilin ni mang Crisanto, inalalayan kami ni Matias palabas ng baryo. Ilan sa mga naninirahan sa lugar ang nanatiling nakasilip sa kanilang mga pintuan at bintana. May ilan pang kumaway na binati rin naman ni Sarah.
Medyo gumaan ang loob ko habang kami ay paalis. Masaya akong kahit papaano, alam kong may maaari akong magawa upang ibalik ang kabutihang ipinamalas ng mga taga-baryo.
Subalit bago ko pa man matupad ang mga pangakong iyon, kakailangan muna naming makalabas... kailangan muna naming makatakas mula sa kalbaryong ito.

YOU ARE READING
Tatlong Gabi sa San Isidro
HorrorThis is NOT your typical lost and found story; happy endings are not for everyone.