Ligtas ang aking kapatid... at gayundin ako? Tinangka kong tumayo, subalit naramdaman ko ang kirot sa'king kanang binti kaya ako'y muling bumagsak sa lupa. Pinilit kong alalahanin ang mga naganap at 'di naman ako nahirapan, nakakapangilabot kasi ang aking pinagdaanan para basta na lamang maglaho sa'king isipan. "Lemuel, may nakita ka bang babae?" nanginginig akong nag-usisa.
"Kuya, nakita mo rin siya?" bahagyang natahimik ang aking kalooban, parang ang ibig sabihin kasi ay 'di pa ako nababaliw. Pero, pareho nga ba kami ng nakita? "May nakita ako at sinundan ko siya. Hindi ko masyadong naaninag ang kanyang mukha, ngunit may hitsura yung babae. Medyo 'di nga lang gaano kaaya-aya ang kanyang pananamit, parang madumi."
Hindi ko napigilang dagliang putulin si Lemuel.
Muli akong nalito. Sasabihin ko ba't ikukumpara ang aking nakita? Bakit parang habang nagtatagal kami rito'y mas lalong dumarami ang katanungan sa'king isipan? Sa kaloob-looban ko, para na lamang akong isang bata na ang nais sa oras na ito'y makauwi at makapagpahinga. At kung mamarapatin ay kalimutan na ang lahat.
Subalit ako ang nakatatanda, kaya't kailangan kong maging matatag hangga't maari.
Inilapat ko ang aking mga kamay sa'king mukha. Huminga ako ng malalim bago ko muling hinarap si Lemuel. "Anong nangyari sa babaeng nakita mo? Nalaman mo ba kung saan siya nagpunta?" pinilit kong maging lohikal. Naisip kong kunin muna ang lahat nang mapupulot kong impormasyon upang lahat kami ay malinawan.
"Nawala siya sa paningin ko. Masyado kasing masukal ang kagubatan," malumanay na paliwanag ng aking kapatid. "Ang totoo nga'y muntik na 'kong maligaw at mapalayo. Buti na lang nakita ako ni Andrew."
Tsk. Si Andrew naman ang nawala sa'king isipan.
"Kamusta ang kuya mo?" hanggang sa parang kabute na sumulpot si Andrew sa likod ni Lemuel.
"Ligtas ka?" agad kong tanong. "Bakit bigla kang nawala?"
"Kuya, ikaw ang nawala. Nakita ko si Lemuel habang naglalakad tayo. Tinawag pa nga kita bago ko siya tinungo," paliwanag ng binata. "Ang buong akala ko nga'y magkasunod lamang tayo."
"Ganun ba?" pinilit kong umupo. Kasunond nito, itinukod ko ang aking dalawang kamay at iniunat ang aking mga binting patuloy ko pa ring pinakikiramdaman.
"Hinanap ka namin," pagpapatuloy ng aking kapatid. "At heto nga't dito ka namin inabutan."
"Kinabahan kami ng makita naming 'di ka gumagalaw," dugtong ng kasintahan ni Alice.
"Kuya, hinihintay ka na niya," pag-aaya ni Lemuel.
Kung kailan tila nagiging normal na ang lahat, saka naman ako muling ginulat ng aking kapatid. "Sino? Si Alice?" Muling lumabo ang aking paningin, kaya kinurap-kurap ko ang aking mga mata, nagbabakasakaling ako'y mahihimasmasan.
"Kuya, tara na," tinig ng babae.
Marahan kong ibinaling ang aking katawan sa kaliwa dahil dun ko narinig ang huling tumawag sa'kin. Napansin kong may nakatayo sa'king harapan. Halos puno ng putik ang manipis nyang damit na umaabot lamang sa ibabaw ng kanyang mga tuhod. Napansin ko rin ang kanyang mga paa, tila nabubulok ang isa niyang kuko at ang iba nama'y napakarumi at nababalot ng burak.
Napabuntong-hininga ako; matapos ay pinilit kong tumingala upang kumpirmahin ang aking hinala. At 'di nga ako nagkamali, siya ang misteryosang babaeng nasa gilid ng tulay. May hawak siyang patalim at akma na akong sasaksakin. Nagawa pa niyang ngumiti kahit mayroong tumutulong dugo mula sa kanyang kanang pisngi.
Ang akala ko'y katapusan ko na ngunit tila may humugot sa'kin mula sa isang napaka-samang panaginip. "Pinagpapawisan ka... masakit ba? Mahiga ka muna't huwag kang basta-basta kikilos," abiso ng panibago kong kausap. Lintik, hindi ko na alam ang mga nangyayari at kung ano ang totoo at hindi.
Pagkamulat ko'y inaalalayan na ako ng kasintahan ni Alice at ng kapatid kong binata. Pinili kong hindi muna magsalita at sa halip ay masusi kong kinilatis ang aking mga kausap at ang kapaligiran. "Lemuel? Ikaw ba talaga si Lemuel?"

BINABASA MO ANG
Tatlong Gabi sa San Isidro
HorrorThis is NOT your typical lost and found story; happy endings are not for everyone.