Lumipas ang labing-apat na buwan matapos kaming makalabas ng San Isidro, mahigit isang taon mula noong ang barkada namin ay ginimbal ng isang trahedya, Iisang masamang panaginip na animo'y tanging sa'king ala-ala lamang nabubuhay.
Sa isip ng aking mga kasamahan ay walang bakas ang San Isidro, walang bakas ng mga anino. Hindi nila kilala ang mapangahas na si Leandro o ang misteryosang asawa nito. Hindi nila kilala ang mga malignong nagatatago sa dilim.
Higit sa lahat, walang bakas nina kuya Marco, Alice, Andrew, at Gio. Para bang ang lahat ng mga bagay na hindi namin kasamang lumabas mula sa San Isidro ay naiwan na rin sa loob ng sinumpang bayan. Hindi sila naaalala ng mga natira naming mga barkada at maging ng kanilang pamilya at mga kaibigan; para bang may isang puwang na basta na lamang naiwan sa puso at isipan ng lahat.
Nakakatakot na basta na lamang nagbago ang mundong aming minsang pinagsaluhan; parang hindi sila kailanman nabuhay sa mundong ito. Nakakapangilabot isipin, subalit, tila ako pa ang nanaginip.
Hindi ko lubusang madama na kami nga ay nakalabas na ng San Isidro. Para kasing nakakulong pa rin kami.
Samantala, hindi ko na rin muling nakita pa si Joanna. Magkagayunman, ang kwintas na kanyang tangan ay nanatiling malapit sa'kin. Kahit isang saglit ay hindi ito nahiwalay sa'king piling sa loob nang mahigit isang taon.
Ang marahil ay kaisa-isang bagay na nag-uugnay sa kinagisnan naming mundo at sa mundo ng mga anino. Ang tanging bagay na nagkononekta sa'kin sa mga ala-ala ng San Isidro at ng aking mga kaibigan.
Ayokong makalimot. Hindi pa ako handang isuko ang lahat.
Napatid ang aking malalim na pag-iisip ng may tumawag sa'king telepono. "Napatawag ka uli," agad kong tugon.
Mahigit dal'wang oras na rin akong nagmumuni-muni sa tapat ng nag-iisang baybayin sa'ming siyudad. Mapayapa kasi ang lugar na ito. At kahit papaano, malaya akong nakapag-iisip.
Hindi man perpekto ang tanawin; hindi man matingkad na asul ang tubig na aking nasisilayan, kuntento na akong makita ang patuloy na pag-agos ng karagatan at ang mabagal na paglubog ng haring araw.
"Luke, kamusta na kayo?" tanong ni Sarah. "Kailan ba kayo dadalaw?"
"Hindi ko pa alam. Basta, babawi kami promise. Darating ang panahon na mabubuo rin tayong muli. Itatama ko ang lahat."
"Lucas, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin naiintindihan."
"Sa tamang panahon, Sarah. Naniniwala akong babalik rin ang lahat sa dapat nilang kalagyan. Subalit, hindi ito babalik nang kusa. Kailangan siguro natin itong bawiin."
Matapos ang saglit naming pag-uusap, naupo ako sa isang bato malapit sa baybayin. Muli kong kuwinestyon ang aking sarili. Ano nga ba'ng hinihintay ko?
Sa loob ng labing-apat na buwan, pilit kong siniyasat ang lahat mga naganap sa'ming grupo. Mag-isa kong tinangkang bigyang linaw ang lahat. Siguro'y hindi perpekto ang aking mga nabuong sapantaha, subalit, sigurado ako sa isang bagay: ang kasagutan sa lahat ng mga katanungan sa isip ko'y sa San Isidro ko lamang din matatagpuan. At ang ako lang rin ang tanging may hawak ng susi upang makabalik dito.
Ang pagkawala ni Joanna ay pinilit ko ring binigyang linaw, ngunit, hindi ito naging madali. Ang tangi ko lamang naisip ay ang posibilidad na ang kuwintas ni Leandro ay may epekto lamang sa mga taong kanya mismong iniligaw papunta ng San Isidro; at iba ang nagdala kay Joanna at sa kanyang ama sa naturang bayan.
Kung sino ito, ay isa lamang sa mas marami pang katanungang gumugulo sa'king isipan.
Samantala, si Joanna ang madalas na laman ng aking mga panaginip sa loob nang napakaraming buwan na nagdaan. Lagi kong sinasabi sa sarili kong babalik ako upang siya'y iligtas, pero, hanggang sa mga oras na ito, ni isang hakbang palapit ng bayan ng San Isidro ay hindi ko pa nagagawa.
Hindi man lamang nga ako makauwi sa'king probinsya sa takot na muli kong mabuksan ang daan patungo sa sinumpang bayan.
Kung nandito lamang sana si Matias; kung hindi siya tumakas at nawala noong mismong araw na kami ay nakalabas ng San Isidro, malamang ay may katuwang sana ako.
Bigla akong napabuntong-hininga. Mali ang aking hinuha, nawala rin nga pala ang ala-ala ng binata. At hindi rin siya nagawang alalahanin ni Sarah dahil sa San Isidro lamang sila nagkadaupang-palad. Subalit, kung naging mas maagap lang sana ako nung araw na iyon, marahil ay nagawan ko ng paraan ang sitwasyon ni Matias. Kahit papaano siguro'y hindi sana siya nag-iisa kung nasaan man siya ngayon.
Naliligaw ka at naguguluhan subalit hindi ka nawawala.
Biglaan kong naisip ang mga huling iwinika ni Sarah. Kung tutuusin kasi, sa mundong aking ginagalawan ngayon, mukhang ako nga naman talaga ang naliligaw. Sa paningin nila, ako ang may deperesnsya.
Tinanggal ko ang kuwintas sa'king leeg at pinagmasdan ito sa'king palad. Ipinikit ko ang aking mga mata at inisip ang aking mga nasirang kasamahan. Ang mga nagbuwis ng kanilang buhay upang ang aming grupo'y makalabas ng San Isidro. Ang aking mga kaibigan na hanggang sa huli ay animo'y nanatiling nawawala.
Marami pang tanong sa'king isipan, subalit, ang lahat ng kasagutan sa mga ito'y tila ba nakakubli sa bayan ng San Isidro. Isang yugto ng aking buhay na nais ko sanang kalimutan; hindi nga lang siguro sa ganitong paraan.
Saan nga ba ako kukuha nang lakas ng loob upang bigyang linaw ang lahat ng mga bagay na aking kinikim-kim? Ako nga ba talaga ang nararapat humawak ng ganitong responsibilidad?
Hindi ba't mas madali ang lumimot?
Iminulat ko ang aking mga mata at tumayo, lumapit ako sa sementadong bakod na nagsisilbing harang sa maliit na parkeng aking kinalalgyan at sa mabatong pampang na walang palyang na hinahaplos ng ng karagatan.
Mariin kong hinawakan ang kuwintas sa'king mga kamay. Hindi ito ang unang beses na ako'y nag-alangan. Hindi ito ang unang beses na sinubukan kong wakasan ang aking kalbaryo. Hindi ito ang unang pagkakataong tinangka kong iwan at limutin ang lahat.
At katulad ng mga naunang pagkakataon, naglaban muli ang aking kaduwagang harapin ang San Isidro at ang takot na limutin ang lahat ng mga bagay na may kaugnayan dito, lalung-lalo na ang aming mga kaibigan.
Muli pa, isinabit ko ang kuwintas ni Joanna sa'king leeg; hinawakan ko ito nang mahigpit at nag-alay ng isang mataimtim na panalangin kasunod ang isang maikling pangako.
Sisidlan din ng liwanag ang bayan ng San Isidro. Darating din ang umagang magpapalaya sa mga kaluluwang nakakakulong dito.
Ang tunay na liwanag; ang liwanag na walang anino.

BINABASA MO ANG
Tatlong Gabi sa San Isidro
HorrorThis is NOT your typical lost and found story; happy endings are not for everyone.