Pang labing isa - Ang mga Busaw

2.9K 77 2
                                        

"Salem, sa iyong palagay... tama bang pinaslang ko si Samara?"

"Sayeh..."

Ramdam ko ang kawalan ng buhay sa kanyang boses. Pagkatapos kong itapon ang katawan ni Samara'y napagdesisyunan kong puntahan agad si Sayeh. Naabutan ko siyang umiiyak. Naghihinagpis siya. Napayuko na lamang ako. Hindi ko alam ang isasagot sa kanya kahit alam kong mali ang ginawa niyang pagpaslang kay Samara. Sino ba ako para salungatin iyon kung ako ang nagtulak sa kanya para gawin ang mga iyon. Nakita kong tumayo si Sayeh saka dumiretso hanggang pintuan.

"Tayo na... Kunin na natin si Misty"

Ito na ba? Ito na ba ang kamatayan ni Misty?

Sinundan ko siya sa labas at tumambad sa amin ang isang sementeryo. Ito ang lihim na taguan ni Sayeh. Naglakad siya palayo saka ko natanaw na lumuhod siya sa isang puntod. Nang lapitan ko siya'y narinig ko na naman ang mahihina niyang paghikbi. Napatingin na lamang ako sa malayo.

"Sayeh.... hindi ka na maglalahong muli... madurugtungan pa ang iyong buhay"

Bigla na lamang tumulo ang aking mga luha nang maalala ko ang nangyari noon

sa katawang busaw ni Sayeh..

sa totoong Sayeh...

==========o==========

"Nagsusumamo ako sa inyo... Ibalik niyo ang hininga ng batang ito!" hilam na sa matinding paghihinagpis ang babaeng aswang na iyon habang maingat na buhat-buhat sa nanghihina nitong braso ang isang batang babae. Duguan at habol ang mga huling hininga. Hindi makakilos sa sobrang daming pinsala na natamo mula sa malulupit na mga tao.

Ayon sa matandang alamat, ang mga busaw ay mga lahing aswang na nagnanakaw ng mga bangkay ng tao upang kainin saka pinapalitan ng mga puno ng saging. Sadyang mabaho ang kanilang mga hininga dahil sa uri ng kanilang pagkain. Kadalasan silang nagmamatyag sa gabi at makikita sa madidilim na sementeryo. Nakaririmarin ang kanilang anyo, mayroon silang kulubot na balat, malalaking katawan at mahahabang pangil na siyang ginagamit nila sa pagkain ng mga laman loob. Upang maparami ang kanilang lahi'y ang bangkay na kanilang kinakain na may kasamang dasal ay pinapamahagi nila sa mga tao upang unti-unting maging busaw. Mapapatay mo lamang sila kapag binuhusan mo sila ng dinasalang asin na may laway ng isang busaw o kaya'y pagtarak sa kanila ng pinanday na pangil ng isang busaw.

Ngunit ang alamat na iyon ay gawain ng mga sinaunang Busaw. Iba na ang Busaw sa panahon ng mga kastila. Unti-unti na silang nagkaroon ng anyong tao, kumakain ng mga pagkaing tao at kumikilos na parang tao. Kadalasan silang nakikihalubilo sa mga taong kanilang nakakasalamuha. Hindi na rin sila madaling mapatay, ngunit hindi na rin sila ganoong pumapatay. Kasabay ng paglakas ng kanilang mga kapangyarihan ay ang paglawak ng kanilang kaisipan at pagrupok ng kanilang mga damdamin. Kaya na rin nilang itago ang kanilang mga totoong anyo. Nagkaroon na rin sila ng mahabang buhay sa panahong ito dahil marahil sa samu't saring dugo galing sa iba't-ibang nilalang sa kanilang katawan. Tinuturing nila ang mga sarili bilang mga totoong tao at hindi bilang mga aswang.

Nagkaroon ng matinding alitan sa pagitan ng mga busaw at mga tao hanggang sa mauwi sa isang matinding labanan. Kinaibigan sila ng mga tao hanggang sa malaman ng mga ito ang kanilang kahinaan, at nang makakita ng tamang pagkakataon ay ginamit iyon laban sa kanila. Unti-unting naubos ang kanilang lahi. Konti na lamang silang natira kabilang silang dalawa ng batang busaw na kanyang buhat-buhat. Ngunit kung hindi maaagapan ang batang busaw ay maaari itong mamatay. Sa sobrang takot ng babaeng busaw ay isinagawa niya ang ritwal ng pagpatay sa katawan ng isang busaw at ang paglilipat ng kaluluwa nito sa katawan ng isang masamang tao. Isa iyong paraan upang mapanatili ang buhay ng isang busaw.

==========o==========

Napapikit si Salem nang maalala niya ang ginawa niyang pagkulong sa kaluluwang busaw ni Sayeh sa katawan ng isang patay na tao. Tumatagal iyon ng isandaang taon. Kailangang makahanap ang kinulong na busaw ng isang kagaya ng katauhan ng unang saling busaw nito. Napakahirap sa sitwasyon nito lalo pa't napakahirap maghanap ng taong katulad ng katawan nito.

Ngayon ang ika-isandaang taon ni Sayeh at kailangan na nitong makahanap ng panibagong katawan.  Ang huling taon ang pinakamahirap na taon para sa mga ito. Ngunit hindi iyon ang alam niyang dahilan ng pag-iyak nito.

"Ayoko na.... ayoko nang pumatay" narinig niyang mahinang daing ni Sayeh. Alam niyang ayaw na nitong pumatay ngunit hindi na nito magagawa pang pigilan ang pagkasabik na pumatay.

Sumpa sa kanilang mga busaw na isalin ang kaluluwa sa katawan ng isang tao. Ang mga saling busaw ay hindi na kailangan pang kumain ng isang bangkay ng tao dahil kusa na nitong pinapatay ang taong nalalagyan nila ng ritwal sa ayaw at gusto nila. Mahirap ring patayin ang mga ito dahil makararanas ng sakdal langit na paghihirap na higit pa sa kamatayan ang mga natitirang busaw.

Lumuhod siya sa harapan ng umiiyak na si Sayeh.

"Patawad Sayeh... ginawa kitang halimaw na higit pa sa isang busaw para iligtas ka at ang ating lahi. Patawad" tumulo ang kanyang mga luha. Hindi niya gusto ang kaniyang ginawa sa musmos na si Sayeh ngunit kailangan niya iyong gawin upang dugtungan ang buhay nito, upang iligtas ang kanilang lahi.

Oo, sumagi sa kanyang isip na wakasan ang buhay nito kahit kapalit pa ang kaniyang buhay ngunit nang makita niya itong naghihinagpis ay hindi niya napigilan ang sariling hindi maawa rito. Isa siyang busaw ngunit alam niya sa kaniyang sarili na higit pa sa isang tao ang marupok niyang damdamin. Para sa kanya, isa siyang tao at hindi busaw.

Ngunit si Sayeh? Ginawa niya itong halimaw na higit pa sa isang busaw. Paanong nagawa niya ang isang kasumpa-sumpang ritwal na iyon rito. Ngayon siya nagsisisi na ginamit niya ang marupok na emosyon ng isang tao sa paggawa ng desisyon. Nakagawa siya ng isang napakalaking kasalanan.

Narinig niya ang pag-tigil sa paghikbi nito. Hinawakan nito ang kaniyang pisngi saka tumitig nang kay lalim. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang mga mata nito. Ang kinakatakutan niyang mga mata. Inilabas nito ang mapaglarong mga ngiti saka bumulong sa kanya.

"Salem... Tara nang pumatay.."

Tumalikod ito saka tumanaw sa gitna ng gabi. Ang nagawa na lamang niya'y titigan ang likuran nito.

Hindi na siya ang dating Sayeh...

"Salem.... hindi mo iniligtas ang ating lahi dahil ikaw ang nagtakda ng ating kamatayan"

Nagpatuloy na ito sa paglalakad habang siyang biglang napatulala sa tinuran nito.

"Tama siya, ang kaligtasang hangad ko ang magiging dahilan ng pagkawala ng lahi ng mga busaw" mahina kong bulong sa hangin saka sumunod sa paglalakad ni Sayeh.

SAYEHWhere stories live. Discover now