Chapter 15

843 26 0
                                    

Chapter 15

HINDI MAPAKALI si Raven habang nakaupo siya sa ibabaw ng bato, kasama sina Itima at Higante. Iniisip niya kung ano ang kalagayan ng mahal na prinsesa sa mga kamay ni Gurodo. Simula pa kagabi siya nag-aalala, kakabalik lang ng kanilang lakas. Nasa isang parte pa rin sila ng kagubatan na pagmamay-ari ni Gurodo. Madilim pa rin ang paligid ngunit dahil sa mga alitaptap ay nakikita nila ang paligid. May mga ilang labuyo ang nakahapon sa mga sanga ng punong-kahoy, tila binabantayan ang kanilang mga kilos.

    Tumayo si Raven dahil hindi talaga siya mapakali. Napasunod naman ng tingin sa kaniya ni Itima. Maging ito ay nag-aalala rin para sa mahal na prinsesa. Si Higante naman ay nakatanaw sa malayo habang malilikot ang kaniyang mga mata tila may hinahanap na kung ano.

“Kailangan nating hanapin si Jing, kung papatagalin pa natin ay kung baka ano pa ang magawa sa kaniya ni Gurodo,” wika ni Raven habang hinahanda na ang kaniyang espada na kakalabas niya lang mula sa kaniyang mga kamay.

Humanda na rin sina Itima at Higante, handa silang labanan si Gurodo para lang makuha nila ang mahal na prinsesa.

“Ngunit saan natin siya hahanapin? Gayung hindi naman natin alam kung saan dinala ni Gurodo ang mahal na prinsesa,” biglang litanya ni Higante.

Napaisip sina Itima at Raven sa sinabing iyon ng kanilang kasama. Tama ito, saan nila hahanapin si Jing kung hindi naman nila alam kung saan sila magsisimulang maghanap.

Hahakbang na sana sila para tumungo papunta sa pinakapusod ng kagubatang pagmamay-ari ni Gurodo nang bigla na lamang may humarang sa kanilang isang nilalang.

“Ano sa tingin niyo? Hahayaan ko kayong makuha ang mahal na prinsesa?” wika iyon ni Gurodo.

“Ano bang nais mo mula sa mahal na prinsesa, Gurodo? Hindi mo ba alam na kailangan namin siya para sa kaligtasan ng aming kaharian na Blackerous? Siya lamang ang makakatalo kay Lobonia. Alam naming alam mo ang tungkol sa sumpa,” sabi ni Raven habang nakatingala sa lumilipad na si Gurodo.

Ngumisi ito nang marinig ang sinabi niya.

“Alam ko ang labanan ng inyong kaharian at ng kahariang Lobonia. Ngunit alam naman nating may lihim kayong tinatago laban sa mahal na prinsesa. Hindi pa niya alam ang buong katotohanan. Nakikita ko iyon sa kaniyang mga mata. Puno ng katanungan at sari-saring emosyon. Wala ba kayong konsensya? Pinapalaban niyo siya na hindi man lang niya alam ang buong katotohanan. Marapat lamang na protektahan ko siya, alang-alang sa mahal na reynang si Rossia,” seryosong wika nito habang masama ang tingin na ipinukol sa kanila.

Umiwas ng tingin sina Raven, Itima at Higante. Hindi naman nila gustong ilihim ang katotohanan kay Jing. Pero kailangan nila iyong gawin para na rin sa kaligtasan nito. Dahil kung marami itong alam ay mas mapapahamak ang buhay at kalagayan nito. Mas mabuti na ang wala itong alam nang sa ganoon ay hindi ito malalagay sa peligro.

Humakbang si Raven para lapitan si Gurodo.

“Huwag kang mangialam tungkol do’n, Gurodo. Desisyon ito ng mahal na hari, sinusunod lamang namin ang kaniyang utos.”

“Hindi ko alam ang plano ninyo, pero sana ay hindi iyon ang magiging hadlang para sa tagumpay ninyo.” Tumigil ito at tinitigan sila isa-isa. “Isa pa, kung gusto niyong kunin ang diyamanteng susi mula sa akin, kailangan n’yo munang lagpasan ang tatlong pagsubok bago kayo makapunta sa trono ko at bago ko sa inyo ibigay ang mahal na prinsesa o ang Raven Girl,” dugtong nito.

Hindi na nito hinintay pang makapagsalita sina Raven, Itima at Higante. Lumipad na si Gurodo sa himpapawid at mabilis na lumipad.

Nagtinginan sina Raven, Itima at Higante. Hindi nila alam ang gagawin. Isa pa paano sila makakapunta sa trono ni Gurodo para harapin ang mga pagsubok na sinasabi nito? Kailangan nilang kumilos agad para makuha ang diyamanteng susi at si Jing.

Kailangan na nilang makausap si Avandro sa lalong madaling panahon bago pa sila maabutan ni Rossia— ang mahal na reyna.

SAMANTALA SI Gurodo ay humapon sa isang sanga ng malaking punong-kahoy at pinagmasdan ang tatlong magkaibigan. Nagtago siya sa dilim para hindi siya mapansin ng mga ito. Mukhang desidido nga ang mga itong makuha ang diyamanteng susi mula sa kanya.

Hinugot niya mula sa pagkakabaon sa kanyang palad ang diyamanteng susi at pinakatitigan ito nang mabuti. Kung pwede lang sana na ibigay niya iyon sa mga magkakaibigan ay ginawa na niya. Pero hindi pwede. . . isa siyang bantay non at ng gubat. Kaya't marapat lamang na sundin niya ang lahat ng iniutos sa kaniya.

Nilingon niya ang isang labuyo sa kaniyang tabi. Binulungan niya ito gamit ang kaniyang sariling wika— ang kanilang huni.

“Gusto kong puntahan mo ang mahal na reynang Rossia. Hanapin niyo siya kung saan siya naroroon. Ibalita niyo sa kaniya na nasa akin ang anak niya at nanganganib ang buhay nito,” utos niya sa sariling lenggwahe nila.

Tumunog ito ng tatlong beses bago lumipad sa himpapawid. Hihintayin niya sa kaniyang trono ang mahal na reynang Rossia. Iyon nga lang kung mahahanap ito ng pinag-utusan niya at kung pupunta ito sa kaniyang tahanan.

Muli niyang sinulyapan ang tatlong magkakaibigan bago niya ibinuka ang kaniyang mga pakpak para bumalik na sa kaniyang pinanggalingan. Baka nakagawa na ng paraan ang Raven Girl at makawala pa ito sa hawla na kulungan nito.

MATAMANG NAG-IISIP SI JING kung paano siya makakatakas mula kay Gurodo. Bantay-sarado siya sa mga tauhan nito. Umalis si Gurodo at hindi niya alam kung saan ito nagpunta. Nag-aalala siya sa mga kasama kung saan na ang mga ito. Baka mamaya ay kung ano na ang ginawa ni Gurodo sa mga kaibigan niya.

Pinilit niya ulit na sirain ang hawla. Ngunit hindi man lang ito nasira. Inis na inis siyang napaupo sa pugad at nakipagtitigan sa mga labuyong kanina pa nakatingin sa kaniya.

“Bakit ayaw makisama sa akin ng pagkakataon? Wala pa si Gurodo, pagkakataon ko nang tumakas pero wala pa rin,” piping usal niya pero may bahid ng pagkainis.

Kung ito lang din pala ang mapapala niya'y hindi siya karapat-dapat na Raven Girl. Pero nasa sitwasyon na siyang ito at hindi oras ng pagsuko.

      Biglang nagliparan ang mga labuyo. Hudyat na andiyan na si Gurodo. Nararamdaman din niya ang malakas na enerhiya nito. Malayo pa lang ay ramdam na niya ang mainit na titig nito sa kanya. Wala na talaga siyang takas pa. Nagsasayang lamang siya ng oras. Hihintayin na lamang niya ang pagkakataong maisahan si Gurodo. At sana sa susunod na pagkakataon ay magtagumpay na siya.

. . .

#TRG

Ate Sari, <3

The Raven GirlDonde viven las historias. Descúbrelo ahora