"Kuya, talaga bang wala nang ibababa ang presyo nito? Sige na naman, kahit babaan mo lang ng bente pesos," pagmamakaawa ko sa isang tindero.
Ngayo'y narito ako sa Divisoria upang makapamili ng mga pagkaing ihahain namin sa aming hapag-kainan sa eksaktong araw at oras ng kapaskuhan. Isinabay ko na rin ang pagbili ng mga dekorasyon sa pagbabaka-sakaling makamura ako rito.
"Ate, last price na talaga 'yon. Kung gusto mo naman, sa iba ka nalang bumili," tugon naman ng tindero.
"O siya, sige na nga kukuhanin ko na ito." Iniabot ko sa kaniya ang aking bayad para sa Christmas balls na 'to.
Iba't iba ang kulay nito at bawat isa ay may iba't ibang letra sa loob, kaya naman tila nagayuma ako nito. Kakaiba kasi ito sa aking paningin.
HABANG naglalakad ako'y hindi ko mapigilan ang aking utak na kulitin ang katawan kong dukutin mula sa plastik ang binili kong Christmas balls.
"Titingnan mo lang naman 'di ba?" anang kanang bahagi ng aking utak.
"Oo nga. Sisilipin mo lang," anang kabilang bahagi pa ng aking utak.
Madalian kong dinukot mula sa plastik ang aking binili. Talagang maganda nga ito.
Maya-maya'y hindi ko na namamalayan na unti-unti ko na palang binubukas ang balot nito.
"Green, letter L. Red, letter O. Violet, letter V. Blue, letter-- OMG!" Huli na para masalo ko pa ang nalaglag na bola. Gumulong ito patungo sa kung-saan. At dahil nga nasa Divisoria ako, maraming tao at siksikan. Patuloy kong sinusundan ang patuloy ring sinisipa na bola. Hanggang sa bigla itong mawala sa aking paningin.
"Saan na napunta 'yon?" aniko.
"Miss, sa inyo po ba ito?" Mula sa aking likuran ay narinig ko ang isang tinig. "Letter E?" dugtong pa niya.
"Levi?!" gulat kong untag. Muling bumalik ang nakaraan sa aking diwa.
"Will you be my girlfriend?" ang tanong sa akin ni Levi. Bitbit-bitbit niya ang isang box ng chocolates at isang kumpol ng bulaklak. Sa likod naman niya'y kumakanta ang tatlong lalaki. Kinikilig ako, aaminin ko, pero ewan ko ba sa sarili ko kung ano'ng naisip ko at ni-reject siya.
"Sorry Levi, p-pero ayaw ko." Matapos no'n ay nagmamadali akong tumakbo papunta sa kahit saan.
"Jessy? Woaah! Grabe, hindi ko akalain na magkikita tayo rito. Long time no see, ha? Kumusta ka na? Ano'ng ginagawa mo rito? Grabe, ang laki na ng pinagbago mo... lalo kang gumanda, may sikreto ka 'no?" magkakasunod niyang tanong.
"Ayos lang ako. Pwedeng akin na 'yang christmas ball na hawak mo? Nagmamadali kasi ako e," aniko sa medyo malamig na tinig. Hanggang ngayon talaga, nahihiya pa rin ako sa kaniya. Ewan ko ba kung bakit kailangan ko pa siyang iwasan, gayong hindi naman naging kami. Weird.
Mabilisan kong hinablot mula sa kamay niya ang asul na bola, at patakbo akong naglakad palayo sa kinatatayuan niya.
"Teka lang Jessy!" rinig kong sigaw niya. Sa halip na lumingon o tumugon man lang sa kan'ya ay hindi ko na nagawa.
"Mukhang nakalayo na yata ako," anang isang bahagi ng aking utak.
Lumingon muna ako sa direksyon kung saan ko iniwan si Levi, bago magdesisyong bagalan na ang aking lakad.
Mula sa bulsa ay kinuha ko ang isang pirasong papel na nakatupi sa apat. Listahan ito ng pinapabili ni mama.
"Spaghetti's ingredients, check! Fruit salad's ingredients, check! Fruits, check! Christmas light, and christmas balls, check!" aniko kasabay ng isang singhap. "Mini christmas tree na lang ang kulang. Bakit kasi ako pa ang inutusan ni mama?"
