Bawat minutong lumilipas ay katumbas ng bawat pagpatak ng aking pawis. Ang mabango at maayos kong sarili ay bigla na lamang naglaho pagkatapak na pagkatapak ko sa ikalawang palapag ng istasyon ng tren sa Ayala. Animo'y hindi ako papasok sa isang unibersidad at hindi isang estudyante bagkus isang mandirigma na susugod sa isang malaking digmaan, literal o pasimbolo man.
Mahabang pila, nakabusangot at naiiritang mukha at maalinsangang panahon agad ang sumalubong sa akin, tipikal na makikita mo tuwing umaga sa araw-araw na ginawa ng Diyos sa labas ng MRT.
Pangatlong kubol na ng tren ang dumating ngunit, katulad ng mga nauna, hindi lang basta-basta puno kung 'di punung-puno. Pero ang nakakamangha rito, hindi mo aakalain na ang wala nang espasyong kubol ng tren ay mayroon pa palang iluluwang para sa mga naghahangos at nagmamadaling pasahero na handang maging sardinas at ipagtulukan at ipagsiksikan ang kanilang mga sarili, huwag lang mahuli sa kani-kanilang trabaho o klase.
Itinaas ko ang aking kanang kamay upang tingnan kung may pag-asa pa ba na matupad ang pangarap ko, ang huwag mahuli sa alas-siyete kong klase. Pagkatingin ko sa aking orasan ay agad-agad kong napagpasyahan na sumakay na lang ng dyip kahit ang nakaabang doon ay ang usad pagong na trapiko. Mas maigi na ang mabagal na daloy na trapiko ngunit komportable kaysa sa mabilis nga ngunit mala-impyerno naman.
Tinalikuran ko na ang pang-apat na kubol ng tren na dumating at nakipagbanggaan sa mga taong nakikipagtulakan upang makasakay sa bagong dating na tren. Ilang minuto ang lumipas, ay nakarating na rin ako sa nay hagdanan ngunit hindi pa roon natatapos ang paghihirap ko dahil sa mas maraming taong dumagsa na animo'y hindi maubos-ubos.
"Jusme, anong buhay ba itong pinasukan ko?" sambit ko sa aking sarili.
Tumabi muna ako sa isang gilid at hinimas ang sentido ko. Sumasakit ang ulo ko dahil sa pinaghalo-halong emosyon na nararamdaman ko. Dahil sa nangyayari ngayon parang gusto ko na lang tumalon mula rito sa itaas papunta sa ibaba.
Pero imbes na gawin ang tumatakbo sa mataba kong utak, ikinalma ko na lang ang aking sarili at kinuha ang baon kong tubig upang inumin. Pakiramdam ko kasi wala nang tubig na dumadaloy sa aking katawan dahil natuyot na ito sanhi ng maalinsangang panahon. Marahil iyon din ang dahilan kung bakit ganito ako mag-isip ngayon.
Pagkatapos kong uminom ay nabanaag ko sa aking relo ang oras kaya't napasugod ako sa mga rumaragasang tao papunta sa kabilang direksyon. Habang nakikipag-digma, may taong sumanggi sa akin na naging sanhi upang matumba ako at mabitawan ang hawak kong bote ng tubig. Mabuti na lamang ay nakahawak ako kaagad sa pader.
Tiningnan ko nang masama yung lalaking naka-headphone na nakasanggi sa akin na napansin kong nakikipagsiksikan pa rin. Animo'y walang nabangga o nasaktan, napakamanhid. Lalapitan ko sana siya upang komprontahin at pahingiin ng tawad dahil hindi ako papayag na balewalain na lang niya yung nagawa niya. Muntik na kaya akong mahulog sa may hagdanan!
Pero papalapit pa lang ako sa lalakk bigla na akong natigilan dahil may pumukaw ng aking atensyon.
"Tubig! Tubig!" sigaw ng isang matandang hamog na ngayon ko lang napansin.
Tinitigan ko siya habang aligagang kinukuha yung bote ng tubig na nalaglag ko, hindi alintala ang mga taong umaakyat. Kahit natatapak-tapakan na siya at nasasaktan ay hindi pa rin siya umaalis. Nakikita ko sa kan'yang mga mata at kilos kung gaano siya kapursigidong makuha ang tubig. Bigla akong nakaramdam ng kirot sa aking puso at mas lalo pang tumindi iyon nang agawin ng ibang mas batang palaboy yung bote ng tubig na kakakuha lang ng matanda. Hindi pa nga ito nakakainom, nawala na kaagad ang inaasam nitong tubig.
