Alama Ng Kalamay

103 0 0
                                    

ALAMAT NG KALAMAY

Noong unang panahon, may isang bayan na kung tawagin ay Pagkain. Dito naninirahan ang mga bigas at mayroon itong dalawang klase—ang Kali at ang Amay.

Ang Kali ay ang bigas na buo ang butil na tila kumikinang kapag pinagmasdan ng mabuti. Mababanaag ang loob nito na tila kumikinang din. Habang ang Amay naman ay may katamtaman ang puti, malagkit, durog-durog at hindi nababanaag ang loob. Subalit ang pagkakaibang ito ay hindi inalintana ng dalawang uri ng bigas dahil para sa kanila, sila'y magkakatulad lamang na bigas at kaibigan na rin ang turingan nila. Malayang-malaya sila na animo'y sila na ang hari ng mga pagkain dahil sa kaalamang kung wala ang bigas, maraming tao ang mamamatay dahil sa matinding gutom.

Isang araw, bumili ang isang mag-anak ng bigas at nagkataon ang dalawang klase ng bigas ang kanilang binili. Nagalak ang mga Kali at Amay dahil maganang kumain si Anie, isang batang babae na miyembro ng pamilyang bumili. Ngunit nagtampo ang mga Amay dahil sa tuwing ang uri nila ang kinakain ay sinasaluhan sila ng matatamis na pagkain. Noon pa man, hindi na nila gustong sinasaluhan sila ng mga matatamis. Samantalang kapag ang kaibigan nilang mga Kali ang kinakain ay palaging ulam ang kapares.

Hanggang sa nakaramdaman ng matinding inggit ang mga Amay sa kaibigan nilang mga Kali dahil mapaulam man o matamis na pagkain ang isalo sa kanila ay masayang-masaya ang mga ito.

Maging ang batang si Annie ay unang klase na ng bigas ang palaging kinakain. Sapagkat noong huli itong kumain ng malagkit na kanin ay sumakit ang tiyan nito at sinabing mabigat sa tiyan ang mga bigas na Amay. Hindi raw tulad ng Kali na kahit maparami ang kain ay masarap pa rin at hindi madaling pagsawaan.

Dahil sa pangyayaring iyon na tila palagi na lang bida ang mga bigas na Kali, nagtanim ng galit sa kanila ang mga bigas na Amay. Simula noon, tuluyan nang nahati sa dalawang panig ang mga bigas. Nagkanya-kanya silang panig sa kanilang mga kauri. Naging mahigpit na magkakompetensya ang dalawang klase ng bigas sa larangan ng mga kanin. Ang pagkakaibigan ng mga bigas na Kali at Amay ay tuluyan ng nabuwag dahil sa matinding inggit na nadama ng huli.

Hindi nila mawatasan kung bakit palagi na lang inuuna ng mga tao ang mga Kali at silang malalagkit naman ay palagi na lamang isinasantabi. Hindi mawari ng mga bigas na Amay kung bakit mas gusto ng mga tao ang uri ng mga Kali samantalang bigas din naman sila. Maari rin naman silang kainin at gawing kanin. Kahit sa pamilihan ay kakarampot lang ang bumibili sa mga tulad nila, samantalang kapag mga bigas na Kali ay sandamakmak ang bumibili.

Dumating ang araw na lumapit sa mga Amay ang mga dati nilang kaibigan—ang mga Kali. Nagpakumbaba ang mga ito sa kanila. Gusto ng mga itong muling manumbalik ang pagkakaibigan nila katulad noon at pagkakaisa ng lahat ng bigas. Ngunit hindi nila inintindi ang sinabi ng mga ito dahil mas nanaig sa kanila ang matinding galit at inggit dahil patuloy na namamayagpag sa larangan ng bigas ang mga ito ngayon.

Ang ibang mga Kali ay dinadala na rin sa ibat-ibang bansa saan mang sulok ng mundo. Samantalang silang mga bigas na Amay ay nabubulok na lang at hindi na napapakinabangan.

Isang plano ang binuo ng mga Amay laban sa mga Kali. Napagalaman nilang bukas na isasaing ang mga Kali kaya nagagalak ang mga ito dahil alam nilang nais ng mga ito ang mapaligaya ang mga taong makakakain sa kanila, naglipon-lipon ang mga Amay nang lingid sa kaalaman ng mg Kali upang isagawa ang kanilang masamang plano. Nang sumapit ang bukang liwayway, nagtulong-tulong ang mga Amay upang lagyan ng lason ang sabaw ng sinaing habang hinuhugasan ang mga bigas na Kali. Nang kainin ng pamilya nila Anie ang nasabing kanin, hindi na umabot sa pagamutan ang mga ito at namatay na kaagad habang bumubula ang bibig dahil sa lason na nilagay ng mga Amay.

"Nagtagumpay ang ating plano!" sabay-sabay na hiyawan ng masasamang bigas.

Nagdiwang sila lalo na't alam nilang malulungkot ang mga Kali dahil sa masaklap na pangyayaring iyon. Dahil sa nangyari, naisip ng mga Amay na marahil ay hindi na muling kakain ng bigas na Kali ang mga tao dahil nakakalason na ito at sila namang mga Amay ang mapansin na ng mga mamimili.

Ngunit ganoon na lang ang gulat nila nang biglang sumulpot ang diwata ng palay na nagngangalang Rays. Galit na galit ito sa kanilang ginawa at sila'y pinatawan ng mabigat na parusa. Sabay-sabay silang isinaing, at habang naluluto sila sa kumukulong tubig na nasa ibabaw ng mainit na apoy, napansin nilang unti-unti silang nagdidikit-dikit. Kahit anong kilos ang gawin nila ay hindi sila matanggal sa pagkakadikit sa isa't-isa. Pinatungan din ang kanilang ibabaw ng isang kulay tsokolateng likido na galing sa tubo. Hindi na sila nakapalag pa lalo na nang malaman nilang ang likidong iyon ay ubod ng tamis na siyang kinaiinasan ng mga bigas na Amay.

Lahat ng Amay ay nagmakaawa sa diwata at ipinangakong hindi na muli sila gagawa ng masama sa mga Kali subalit kahit anong pagmamakaawa nila ay hindi na sila pinakinggan ng diwata ng palay. Ang malaya nilang buhay noon ay hindi na nila magagawa dahil sila ngayon ay dikit-dikit na. Ang maliwanag na buhay nila noon ay tuluyan ng dumilim dahil sa ipinatong sa kanila.

Labis silang nalungkot at nagsisisi dahil sa kanilang ginawa. Gusto lang naman nilang maging pantay ang tingin ng mga tao sa mga Kali at Amay ngunit nagpadalos-dalos sila ng desisyon kaya ito ang nangyari. Dahil sa inggit na namayani sa kanila ay isang mabigat na parusa ang naging kabayaran. Ngayon napagtanto nila na ang pagsisisi ay nasa huli.

Simula noon, ang ubod ng lagkit at dikit-dikit na kanin na iyon na may matamis sa ibabaw ay tinawag na "Kalimay". Ang pinagsamang pangalan ng matalik na magkakaibigang bigas noon na di nagtagal ay naging "Kalamay".

5-591N⎁

WRITING BATTLE 2015 ENTRIESWhere stories live. Discover now