CHAPTER SIXTEEN: Cat
Ang hirap paniwalaan. Ang lalaking pinaka-kinatatakutan ko sa buong mundo, wala na. Nakakalungkot at nakakapanghinayang. Pero gusto ko ring matuwa at maging proud dahil binawian siya ng buhay sa marangal na paraan.
Pitong araw na binurol si Tito Jack sa isang simbahan--simbahan kung saan sila kinasal ng asawa niya. Marangal din na burol ang inalay sa kanya, kasing rangal ng dahilan ng pagkamatay niya. Maraming kamag-anak, kaibigan at katrabaho niya ang dumalaw para magbigay ng respeto sa kanya at makiramay sa pamilya niya.
Sa pitong araw ng kanyang burol, naroon ako, tumutulong at umaalalay sa pamily niya--lalo na kay Millie. At sa pananatili ko roon, ang dami kong narinig na nakakatuwang kuwento tungkol sa kanya--mula nung estudyante pa lang siya hanggang sa maging isang dedicated na pulis.
Nang marinig ko ang mga kuwentong iyon, may ibang mga kuwento ring nabuo sa isip ko--kuwento ng mga alaala kung paano siya naging isang ama kay Millie.
Mga bata pa lang kami ni Millie, para na kaming aso't pusa. Laging nagtatalo, nag-aaway, nag-aasaran. Ayun nga lang, laging si Millie ang natatalo at umiiyak sa huli. Palibhasa may kakampi ako--ang best friend kong si Adrian. At kapag umiyak na si Millie, doon lalapit si Tito Jack sa amin. Papatahanin at bubuhatin niya si Millie, tapos sisindakin niya kami ni Adrian gamit ang nakakatakot niyang boses at nanlilisik na mga mata. Minsan nga, pinosasan niya kami ni Adrian at tinanong kung gusto naming makulong dahil sa pagpapaiyak sa anak niya. At ang sinagot namin ni Adrian? Isang malupit na iyak.
Nasaksihan ko rin kung paano niya i-spoil at protektahan si Millie. Nakakainggit na nga minsan eh dahil hindi ko iyon nararanasan sa tatay ko na laging nasa ibang bansa para magtrabaho. Pero mas nakakatuwa kasi, nakakatuwang makitang masaya si Millie.
Dahil sa mga iyon, alam ko kung gaano siya kamahal ni Millie. Alam ko rin kung gaano sila nasaktang mag-ama nang mabuntis ko si Millie. At alam ko rin kung gaano nila inaabangan ang pagkakataong magkaayos sila--pagkakataong hindi na darating pa.
*
Linggo, dinala si Tito Jack sa huli niyang hantungan. Nag-alay sa kanya ng eulogy ang pamilya niya--puwera na lang kay Millie.
Binilinan kasi si Millie ng doktor niya na huwag gumawa ng kung ano na puwedeng mas ikasama ng loob niya. Hindi man kasi siya umiiyak at lagi man siyang ngumingiti sa mga bisita, stressed at depressed talaga siya deep inside. Kaya nga hangga't maaari, hindi ako umaalis sa tabi niya.
Kaysa ilibing sa mga Libingan ng mga Bayani, mas pinili ng pamilya ni Millie na i-cremate si Tito Jack para raw makasama pa rin nila ito sa bahay. Nakakakilabot nga eh. Kung ako ang namatayan, hindi ko yata gugustuhin iyon. Pero malay ko ba sa pakiramdam ng mga namatayan. Kung sobrang mahal mo talaga 'yung namatay, natural lang yata na ganun ang gawin mong desisyon. Kasi nga, mahal mo. Kasi gusto mo pa rin siyang makasama kahit wala na siya.
"Millie," tawag ko sa askal ko pagkaupo ko sa tabi niya.
Nandito kaming dalawa ngayon sa sala ng bahay nila. Pasado ala-sais na ng gabi at halos kakauwi lang naming lahat mula sa cremation ni Tito Jack. Ang abo nito ay nasa altar na nila na narito lang din sa sala.
Si Tita Minda at Jun-Jun, pareho nang umakyat sa kani-kanilang kuwarto para magpahinga. Habang si Millie, piniling manatili pa rito sa kabila ng pagod at antok na nahahalata sa kanyang mukha.
"Uy," hinawakan ko ang isang kamay niya nung hindi niya ako pinansin. "Millie."
"Mm?" Mapupungay ang mga mata niya nang tignan ako.
"Magpahinga ka na oh."
"Ayoko pa. Dito muna ko."
Haaay.
