Chapter 6: Commotion

704 26 3
                                        

PINIPIGILAN ni Larissa ang mangiti tuwing makikita niya ang sarili sa mga salamin ng mga tindahan na kaniyang nararaanan. Pauwi na siya sa kanilang bahay para kumuha ng mga gamit gaya ng utos sa kaniya ng kaniyang amo.

Imbes na sumakay ng jeep ay naglalakad siya ngayon pauwi. Sayang naman ang kaniyang sinuot kung hindi ipaglandakan sa bawat taong kaniyang makakasalubong. Gaya ng nakita niya sa price tag ay nagkakahalalaga ang damit na ito ng tatlong libong piso. Kaya gusto niyang ipagmalaki na mayroon siya ng damit na ito.

Pagdating niya sa bahay ay nagtaka siya kung bakit nandito pa si Lemar.

“Hoy! Hindi ka ba pumasok?” Nagtatakang tanong niya habang inilapag sa mesa ang dalang plastic bag na naglalaman ng kaniyang t-shirt at pantalon.

Napatitig sa kaniya ang kapatid. “Wow! Ate, para kang anak ni Donya Maring!” bulalas nito at humagalpak ng tawa.

Si Donya Maring ay ang kapitana ng kanilang barangay. Ang mga anak nito ay nag-aaral sa siyudad kaya kapag uuwi ang mga iyon ay bongga rin ang mga suot.

“Tse! Mas maganda ako sa mga iyon. Teka nga! Bakit ka ba nandito, ha? Hindi ka pumasok?”

“Pumasok ako, ate. Nag-excuse lang ako sa teacher ko para makauwi dito.”

Kumuha siya ng isang baso at pinuno iyon ng tubig. Aba’y napagod rin siya sa paglalakad at ilang kilometro rin iyon.

“Bakit ka ba umuwi?”

“Ate, hindi mo ba natatandaan kung anong araw ngayon?”

“Biyernes?”

“Tumpak. Akala ko nga umuwi ka dito kasi naalala mo ang araw na ito.”

May himig na pagtatampo ang tono sa sagot ng kaniyang kapatid. Pero kahit anong pilit niya ay wala siyang maalala. Ano ba ang mayroon?

“Ngayon ang uwi nila Ate Cielo at Chelsie mula sa Mindoro at susunduin natin sila ngayon sa airport!”

Namilog ang kaniyang mga mata. “Oo nga! Naku, ‘buti at pinaalala mo. Anong oras nga iyon?”

Si Cielo ay kaniyang kababata habang si Chelsie ay kapatid nito. Pumunta ang mga ito sa Mindoro dahil namatay ang lola ng mga ito.

“Alas tres ng hapon,” sagot ng kaniyang kapatid.

Napataas ang kaniyang kilay. “Alas tres pa pala ng hapon bakit kay aga mo?”

Ngumisi si Lemar sa kaniya. “Para may oras akong magpa-pogi!”

Sarkastiko siyang natawa. “Naku, hindi ka makaka-iskor kay Chelsie. Baka nga may crush na iyon sa Mindoro.”

“Okay lang na magka-crush siya. Basta ako lang ang mamahalin niya in the future,” wika nito at pinungay ang mga pilik-mata.

Muntik na siyang masuka sa inasal ng kapatid. Hindi siya nakatiis at sinabunutan ito. “Nakakadiri ka!”

“Aray, ate! Bitawan mo ako!”

Napahagalpak siya ng tawa nang makitang nagulo ang buhok ng kapatid. Inayos naman nito habang nakanguso.

“Ate, saan mo ba ninakaw ang damit mo na iyan?”

“Hindi ko ito ninakaw! Maganda?” Nakangising tanong niya.

“Maganda ang damit pero kapag sinuot mo na...”

“Mas gumanda lalo?”

Saglit itong nag-isip. “Iyong damit lang ang maganda!”

“Aba’t gago ka,” wika niya. Pinisil niya ang pisngi ng kapatid. “Nahiya ka pang umamin na maganda itong ate mo!”

Hinaplos naman nito ang namumula nitong pisngi na kaniyang kinurot. “Oo na maganda na! Saan mo nga nakuha iyan?”

Matamis siyang ngumiti. “Regalo sa akin ng amo ko dahil sa pagiging mabuti kong kasambahay,” sagot niya.

Pinipigilan niyang sumimangot nang paulit-ulit na tumaginting sa kaniyang tenga ang sinabi ni Sir Romnick. ‘You’re with me so you should wear clothes that are decent!’

“Weh?”

Tumango siya. “Talaga!”

“Baka nagka-crush sa iyo iyon?”

Lihim siyang napangiti sa kaniyang kapatid. Halata kasi ang pagka-protective nito sa kaniya.Inaway pa nga nito minsan si Bogart, ang tambay sa tindahan ni Donya Maring dahil nahalata daw nitong may gusto ang lalaking iyon sa kaniya. Eh, magkaibigan lang naman sila noon.

“Wala!” tanggi niya. Paano ba iyon magka-crush sa kaniya, eh mahirap nga silang magkaintindihan. At saka ang layo ng ganda niya sa mga foreigner na palaging nakakasalamuha nito.

Hindi sumagot ang kaniyang kapatid ngunit sa mga titig nito sa kaniya ay halatang hindi ito naniniwala. Inambahan niya ito ng suntok.

“Sige na! Magpa-pogi ka na. Magbibihis lang ako,” wika niya.

“Bakit ka pa magbibihis? Eh, ang ganda ng suot mo,” wika ni Lemar.

“Ayokong pag-interesan ni Cielo ang damit na ito.” Humagikgik siya. Minsan kasi naghihiraman sila ng damit ni Cielo kapag may importanteng lakad ang isa’t-isa. Ayaw niyang malaman ni Cielo na may bago siyang magandang damit.

Walang nagawa si Lemar kung hindi ang mapailing na lamang.

Panay ang tingin ni Larissa sa relo. “Ano ba ‘yan, Lemar? Alas tres na ng hapon. Bakit wala pa sila?”

Nandito na sila sa waiting area ng airport. Nilalamig na ang kalamnan niya dahil sa AC. Pero okay lang, naaaliw ang mga mata niya dahil sa mga dumadaang mga gwapo.

“Ang daming magaganda, ate!” Wika ni Lemar na halata sa mukha ang paghanga.

Siniko niya ang kapatid. “Ikaw talaga, puro magaganda lang ang inaatupag mo. Talasan mo ang mga mata mo. Baka dumaan na sa harap mo sila Cielo, hindi mo pa makita kasi sa mga magaganda nakapako ang paningin mo!”

“Ikaw nga, halos tumulo na ang laway mo diyan, eh!” Sagot ni Lemar.

Nilingon niya ito at pinandilatan ng mga mata. “Hindi kaya!” Kanina pa siya naiihi kaya tumayo siya. “Dito ka lang muna. Magsi-CR lang ako at kapag dumating na sina Cielo at hindi pa ako nakabalik, hintayin niyo pa rin ako rito, ah!”

Tumango lang sa kaniya ang kapatid.

Nagkibit-balikat siya at nagsimula nang maglakad tungo sa pinakamalapit na CR. Pero sa kalagitnaan ng maraming tao, may nahagip ang kaniyang mga mata na isang pamilyar na pigura. Siningkit niya ang mga mata upang makita ito ng maayos.

“Sir Romnick?” Bulong niya sa kahanginan.

Sinusundan ito ng tatlong tao na naka-amerikana rin.

Kumunot ang kaniyang noo. “Anong ginagawa ni Sir Romnick dito?”

Hindi na niya napigilan ang sarili na humakbang para sundan ang mga ito. Gusto niyang malaman kung si Sir Romnick ba talaga ang kaniyang nakita o namamalikmata lang siya. Sabi kasi nito ay bakasyon lang ang dahilan kung narito ito sa Pilipinas pero bakit sa tingin niya parang nagtatrabaho ito.

Nakalimutan na niya ang dahilan kung bakit siya umalis sa puwesto nila ni Lemar. Iginiya siya ng mga paa sa labas ng airport habang hindi binibitawan ang tingin si Sir Romnick at ang mga kasama nito.

Nang makalapit na siya rito ay tinawag niya ito. “Sir Romnick?”

Kahit hindi niya nakikita ang mukha nito ay nakakasiguro na siyang ang kaniyang amo nga iyon.

Nagpalipat-lipat ang tingin ng dalawang lalaki sa kaniya at kay Sir Romnick.

“Sir Romnick, it’s you!” Wika niya at hindi na lamang pinansin ang mga masasamang titig na iyon.

Nanlaki ang kaniyang mga mata nang kasabay na pagharap ng kaniyang amo ay tumama rito ang kamao ng isa sa dalawang lalaking kaharap nito. Natutop niya ang bibig.

“Sir Romnick!” Hindi niya mapigilang sigaw dahil sa takot.

AN: Hello! Here's the update! I hope na mag-enjoy kayo. Medyo sabaw ang chapter na ito. It's a filler lang kasi para sa susunod na chapter. Don't forget to vote and comment!
and also follow my other account on wattpad SoullessDisaster if you like. I will be posting English stories there also! Thanks!

Agent XWhere stories live. Discover now