“Nagkwento ba sayo si Lori?” Nawalan ng emosyon ang tinig ni Lathan. Palagay niya, pilit lang nitong itinatago ang pagngingitngit. “Ang sabi ko sa kanya, silipin ka lang. Hindi ko siya sinabihang makipagkwentuhan sayo. Tapos ngayon…” Pumalatak ito kasabay ng mariing pagtikom ng kamao. “Anong mga sinabi niya sayo?”
Umiling siya. Ayaw niyang ipagkanulo si Lori sa kapatid nito. Isa pa, concern lang naman ang babaeng bampira sa kapatid kaya siya hinihimok na umalis na sa kabilang dimensyon ng daigdig. Ipinapahamak nga naman niya si Lathan. Sa pagbabantay nito sa source of food nito, napapabayaan nito ang sarili.
Source of food.
Iyon ang ipinipilit ni Lathan na tingin nito sa kanya subalit hindi ganoon ang nararamdaman niya. Aminin man nito o hindi, alam niyang kahit paano ay binibigyan din siya nito ng halaga. Siguro, bilang isang kaibigang mortal.
“Nakita kitang bitbit ng isa mo pang kapatid. Hahanapin sana kita dahil nag-aalala ako sayo pero pinigilan ako ni Lori. Sabi niya, magiging okay ka.”
Unti-unti nang bumubuka ang kamao ni Lathan. Palagay niya ay kumakalma na ito.
“Wala akong naaamoy na maski isa sa mga lahi ng mga Avergou ngayon. Nagkaroon ng malakihang labanan sa pagitan namin at ng mga Avergou kagabi. Galit na galit sila sa amin dahil napatay ko ang bunso sa kanilang angkan. At dahil malalakas sina Ailister, Helios, Axyl at Azriel kagabi, halos naubos nila ang mga Avergou. Halos lang, dahil hindi natugis ng mga magulang ko ang patriyarka nila. Malamang nagpapadami pa sila sa kanilang lungga ngayon kaya walang nakakakalat maski isa. Ibigsahin, libre akong tumambay ngayon.” Bumaling ito sa kanya na malambot na ang ekspresyon ng mukha. Aminado itong mahina ito kagabi pero hindi niya ito makitaan ng pagsisisi na napinsala ito sa laban dahil lang sa pagbabantay sa kanya. Para roon, hindi niya alam kung matutuwa o magagalit rito. Tama si Lori, ipinapahamak niya lang si Lathan.
“Anong gusto mong gawin?”
Hindi makapaniwalang itinuro niya ang sarili. “A-Ako?”
Umigkas ang kilay ni Lathan. “May iba pa ba tayong kasama rito?”
Pabirong inirapan nga niya si Lathan. “Nakakagulat ka kasing magtanong. I mean, hello? Kelan mo pa ako tinanong ng gusto kong gawin?”
“Ngayon.” Sarkastikong tugon nito.
“As if naman na tutulungan mo akong gawin ang gusto ko?”
“Tutulungan kita. Maski ano pa iyan.”
Palagay niya ay biglang lumiwanag ang tingin niya sa paligid. “Talaga?”
“Oo.” Sinabayan nito iyon ng ngiti at tango.
“Gusto kong lumipad. Yung mataas na mataas. Kaya mo ba akong ilipad?”
“Nah! Maski ikaw, kaya mong gawin iyon. I-imagine mo lang na lumilipad ka, magagawa mo na. Kaluluwa ka ngayon.”
“Mabagal mag-process ang imagination ko. Ilipad mo nalang ako. Mamasyal tayo sa buong Quezon City na lumilipad.”
“Okay.” Umayos ito ng tayo. “Hintayin mo ako dito. Mabilis lang ako.”
“Ha? Bakit? Saan ka pupunta? Kukuha ka ng chopper?”
Natawa si Lathan sa bulalas niya. “Funny, ha? Really funny, Scylla.” He patted her head. “Wait me here. I won’t take long.”
Sa isang sandali ay nawala na ito. Napakabilis ng pagkilos nito. Patalon-talon ito sa mga puno at bubungan ng mga nadadaanan nito hanggang sa tuluyan na itong nawala sa mga paningin niya.
Saan naman kaya pupunta ang gwapong bampira na iyon? Sabi niya lang naman na gusto niyang lumipad sila. Pwede naman siya nitong ilipad nalang, bakit kailangan pa nitong umalis?
Hindi nga nagtagal ay naroroon na ulit si Lathan sa rooftop. Nasa astral form na ito na ipinagtaka niya.
“I need to do an OBE para mapagbigyan ang gusto mo. Kung nasa pisikal akong katawan, hindi tayo makakalipad. Hanggang sa pagtalon ng mataas at mabilis lang ang magagawa ko.”
Lihim na napasinghap si Scylla habang minamasdan ang napakagwapong nakangiting bampira. Kumikinang sa tama ng liwanag ng buwan ang asul nitong mga mata. Napakasarap nitong pagmasdan. Maski yata habambuhay nalang niyang gawin iyon ay di niya pagsasawaan.
“Let’s go?”
Hindi na hinintay ni Lathan ang sagot niya. Basta nalang siya nitong kinabig palapit at walang sabi-sabing inilipad sa himpapawid. Nagulat man siya subalit saglit lang iyon. Pumalit na ang masarap na pakiramdam ng pagkakalapit ng kanilang mga astral bodies.
Having him near hers was an awesome feeling. Wala siyang mahagilap na tamang salita para ipaliwanag ang pakiramdam kaya’t sa ganoong simpleng pangungusap nalang niya ilalarawan ang damdamin niya ng mga sandaling iyon. Gusto niya ang pakiramdam na magkasama silang lumulutang sa himpapawid. Gusto niya ang pakiramdam na magkalapat ang kanilang mga astral bodies. Ni hindi na nga niya magawang masdan ang paligid sa ibaba dahil abala siya sa pakiramdam na dulot ni Lathan sa kanya.
Gusto niya, gustong-gusto niya. Kung maaari ngang hilingin na sana ay wala nang katapusan ang sandaling iyon.
Sana…
“The town looks great at night. See that?” sabi ni Lathan.
Noon lang niya naisipang masdan ang view sa ibaba. At hindi nagsisinungaling si Lathan. Napakaganda nga ng view sa ibaba. Nagkikislapan ang iba’t-ibang kulay ng mga ilaw sa mga tahanan at establisyimento. Hindi mo aakalain na sa pagsikat ng araw kinaumagahan ay hindi ang nakikitang kagandahan sa gabi ang makikita kundi ang polusyon at maduming paligid.
“Oo nga. Ang ganda!” namamanghang sang-ayon niya.
Lumipad pa sila sa ibang lupalop ng Quezon City at patuloy na pinagmasdan ang magandang view sa ibaba. Minsan talaga, mas maganda ang isang bagay o lugar kapag gabi. Mas maganda rin ang isang karanasan kapag gabi.
Pero higit sa lahat, mas masarap kasama si Lathan sa ilalim ng liwanag ng buwan…***
A/N:
Ito po ay bahagi lamang ng nobela. Ang kabuuan ng kwento ay mababasa sa printed copies. Pasensiya na po. Hindi ako allowed na ipost ng buo dahil nabili na po ito ng PHR. Nasa kanila na po ang lahat ng karapatan sa pagpapublish ng nobela.
Maaari niyo po itong mabili kapag out na. Maraming Salamat.
#GazchelaAerienne

YOU ARE READING
Connected (Completed-Published)
VampireHighest wattpad ranking: #128Vampire Republished: Written by Gazchela Aerienne "Kung minsan, sa gitna ng panganib mula sa mundong hindi tayo kabilang, doon natin natatagpuan ang tunay na kaligayahan." Nakilala ni Scylla si Lathan sa mga panahon na n...