Stories
[Taken from a social networking site [1]:]
Mag-ingat, baka mapag laruan ka ni Mercedita!
Pag sapit ng ala-sais ng gabi ay huwag na daw paghuntahan si Mercedita, dahil naririnig niya ang usapan at maaring sumagot siya. Kung hindi ka pa takot, kukwentuhan kita.
Si Mercedita ang sinasabing engkantada sa kweba sa Batasin, sakop ng Wawa, Libis. Napakalinaw ng tubig sa parteng ito ng Laguna de Bay, kaya paboritong labahan ng kababaihan. Pag may dalagang naglalaba ay may kasamang manliligaw na binata. Tulad ng eksenang napapanood sa penikula nina Vilma Santos at Edgar Mortiz, kung hindi mo na inabot ang panahon nina Carmen Rosales at Rogelio de la Rosa. At si Mercedita ay nagpapakita sa mga lalaking lumalapit sa kweba.
Sa di kalayuan sa kweba daw natagpuan ang labi ng dalawang binata mula sa kilalang angkan na nalunod sa Lawa nuong Dekada 60’s. Ang ipinagtataka ng marami ay kabataan at atleta ang nasawi, sanay na lumangoy sa Lawa. Ang bulong -bulungan ay dinala daw ni Mercedita ang magkaibigan sa kanyang daigdig. Sa mga hindi maniniwala sa engkanto, itinuturong dahilan ang maghapong pagbabasketball ng mga nasawi at ang posibilidad na pinulikat sila at naghatakan palalim sa Lawa.
Mapaglaro daw si Mercedita. Parang napagti-tripan ang taong napapadpad sa kanyang lugar.
Hindi pa malimot ng mag-asawang taga-Calumpang kung paano ang kanilang bangka ay umikot-ikot lang sa lawa, isang umagang isinama nila ang sipuning anak upang makasagap ng sariwang hangin. Sa kanilang pagkabahala, itinaas ng Tatay ang bata at nakiusap sa engkantada na hayaan na silang makadaong sa lupa, alang-alang sa batang nuon ay nag-iiyak sa takot. Sa isang iglap umusad ang bangka, at iyon ang pinakamabilis na pagsagwang ginawa ng ama sa kanyang buong buhay.
May mga basketbolistang taga-Maynila na naglaro sa Rizal Cement Company, kabilang na ang asawa ng nuo’y sikat na telebisyon talk host. Apat silang nagkayayaang mamangka sa Lawa. Ganoon na lamang ang kanilang panghihilakbot dahil mula sa Wawa hanggang sa makadaong sa RCCI Compound, ay inabot sila ng walong oras! Sa paikot-ikot ng kanilang bangka at marahil sa gutom na rin, parang hilong talilong ang mga atleta na pamula nuon ay isinumpang hindi na babalik pa sa Binangonan.
May kwento na si Mercedita daw ay may mortal na kasintahan, isang albularyo na binigyan ng engkantada ng kapangyarihang makapagpagaling ng maysakit. May kumontra naman na propaganda daw lang ng manggagamot iyon upang simikat ang kanyang paghahagod, pagtatawas at iba pang paraan ng pagtataboy ng karamdaman at masamang espiritu sa katawan.
May sabi-sabi rin na si Mercedita ay kadaupang palad ng isang banyagang pari na naging Kura Paroko ng Binangonan. May lihim na lagusan daw sa likod ng altar kung saan sinusundo at inihahatid ni Mercedita ang pari kapag tinawag niyang mag-misa ito sa kanilang daigdig.
Ang mga engkantong kasama ni Mercedita ay umaahon daw dito sa bayan at namimili sa palengke. Kapag malingaw ang nariring o ingay ng salitaang hindi mawari, hudyat na may taga ibang daigdig sa tabi-tabi. Kapag nakakita ng babaeng pantay ang nguso, o walang linyang parang kanal mula sa ilong hanggang sa labi, iyon ay kasama ni Mercedita.
Sa mga hindi naniniwala, at laging humahanap ng paliwanag, binangit nila na tutuo ngang may bahay na bato sa Batasin at marahil ito ang sinasabing kweba. Pag-aari ng dayuhang pamilya na ang negosyo ay ospital at paaralan sa Maynila, ang bahay na bato ay naging tirahan ng isang kaanak na pinanawan ng bait. Inilayo sa lipunan sa kung ano mang pampamilyang dahilan. At marahil, ang paghahabi ng kwentong engkanto ang babala upang huwag lapitan ang bahay na ngayon ay abandonado na at kinatatakutan.
Ang matatanda ay may paraan upang pigilan ang likas na pagka-makilot at pagka-gala ng bata. Ang panakot: may engkanto sa tabing dagat, may nuno sa punso sa bukid, may kapre sa kaingin pag gabi.
Katulad ng sinasabing lihim na lagusan sa likod ng altar. Ayon sa kaibigang nuon ay sakristan ay paraan ng taong simbahan upang huwag nilang inumin ang alak ng pari patago duon sa likod ng altar.
Si Mercedita ay isang walang katapusang kwento na manganganak pa ng maraming kabanata mula sa malikhaing isip at malagong dila.
by: CKH Chef
july 6, 2010
CKH Chef
July 6, 2010

BINABASA MO ANG
Urban Legends
RandomIm sharing these Urban Legends with you. These are NOT MINE. :) Credit goes to the Rightful owner. Cover Photos by : xhinitoprinz IAmMissImperfectLady