Pagmamahal Sa Bayan
Mahal mo ang iyong bayan?
Ikaw ba'y masaya na ika'y isang Pilipino?
Alam mo ba ang iyong kasaysayan?
Maipagmamalaki mo ang iyong pagka-Pilipino?
Ang ating bansa'y naghihingalo,
Kasakiman ang nagpapadilim sa ating bansa...
Mahal mo ang iyong bansa?
Gusto mo ba na lagi tayong talunan?
Sa tingin mo?
Kahit minsan naman, sana'y tayo'y panalo!
Hindi ang nasa taas ang sukatan
Upang iyong mahalin ang iyong bayan!
Nasa puso mo magsisimula ang pagbabago,
Huwag kang magtago!
May talento ka na dapat mong gamitin,
Ilabas mo ang iyong galing!
Huwag kang matakot sa iyong sasapitin,
Magsalita ka!
Tayo'y likas na matatapang,
Kahit di man gumamit ng dahas,
Kaya mong ipagtanggol ang iyong bansa,
Itaas mo ang iyong panulat,
Magsimula ka na sabihin ang katotohanan...
Mula kay Jose Rizal at sa ating mga bagong bayani,
Ang dugo natin ay lumalaban!
Tandaan, huwag papagamit kahit kanino man!
May tapang ang ating lahi!
Tayo'y mga Pinoy,
Lahi ng mga matatapang na kayumanggi,
Tumayo ka, Pinoy!
Hindi ka dapat nagpapaloko pa lagi!
Kapag may nakitang mali,
Dapat bang takpan mo ang iyong bibig?
O ika'y isang katulad ng agila,
Lilipad upang ipakita ang lakas?
Iniaalay ang tulang ito para sa lahat,
Di lamang para sa mga manunulat,
Di lamang sa mga mamamahayag,
Mahalin mo ang iyong bansa!
Kumatok tayo ng matindi,
Upang tayo'y marinig,
Buksan mo ang iyong bibig,
Katotohanan ang dapat manaig!
Mabasag man ang itlog sa harap ng bato,
Naniniwala tayo,
Ang lahat ng sakripisyo,
Mananalo tayo!
Huwag kang magpakabulag,
Ang kapwa Pilipino'y huwag ilaglag,
Tulungan mong ang katotohana'y malaman,
Ilabas mo ang iyong kaalaman!
Tumindig ka sa katotohanan,
Ang lahat ng ating luha,
Ito rin ay may katapusan...
Mahalin mo ang iyong natatanging Perlas ng Silanganan...