Chapter 6

25.8K 628 214
                                        

Bespren!! Medyo maaga-aga akong nag-update para sa'yo, para 'di ka matakot! hahaha XDD

A/N: Nagloloko po si Watty ngayon at minsan kahit maraming pages, isang page lang ang lumalabas, at minsan blangko pa. Kaya kapag ganun po ang nangyari i-refresh niyo lang po ng paulit-ulit at siguraduhin niyong nabasa niyo ang 'to be continued...' sa dulo para siguradong nabasa niyo ang buong update. Salamat!! :)

Chapter 6

Hulyo 4, 1932

Ang unang kahilingan ko ay hindi para sa sarili ko, kundi para sa kaisa-isa kong anak na si Manuel. Masakit man sa aking kalooban ngunit labing-walong taon ko na siyang ikinukulong sa kanyang kwarto, naka-kadena ang isang paa sa kama, upang hindi siya makatakas. May problema sa pag-iisip ang aking anak. Minsan ay nagsasalita siya mag-isa kahit walang kausap. May panahon ring nagsisisigaw siya at inuumpog ang ulo sa pader, dahil may mga boses na diumano'y bumubulong sa kanya. Ang pinakamalala na ay nang pagtangkaan niya ang buhay ng aming kasambahay na si Carmencita. Linggo noon at kagagaling lang namin sa bayan nang madatnan naming mag-asawa si Carmencita na sinasakal ni Manuel. Buti na lamang at napakiusapan namin si Carmencita na ilihim ang pangyayaring iyon, kapalit ng isang hektaryang lupa at tatlong kalabaw na maaaring magamit sa pagsasaka ng kanilang pamilya.

Nag-iisa kong anak si Manuel at nag-iisang tigapagmana ng lahat ng aking aria-arian. Nais ko rin siyang sumunod sa yapak ko bilang Alkalde dito sa San Isidro. Kaya ang hiling ko ay ang kalunasan ng kanyang karamdaman.

 Pedro Crisostomo



Hulyo 5, 1932

Totoo nga na ikaw ay mapag-milagro. Ang dating binatang laging nakasiksik sa sulok ng kwarto, ngayon ay napakatikas ng tindig at punong-puno ng kumpyansa sa sarili. Hindi makapaniwala si Rodora sa mabilis na pagbabago ng anak naming si Manuel.

Masyado akong maligaya ngayon at wala akong maisip na hilingin sa'yo, ngunit sayang naman ang pagkakataon. Bigyan mo na lamang ako ng mga lupain kapalit ng lupang ibinigay ko kay Carmencita.

 Pedro Crisostomo


Hulyo 6, 1932

Parang kahapon lang ay matiwasay itong Bayan ng San Isidro, ngunit bakit bigla na lamang may kumalat na epidemya? Mga kabataang mula edad lima hanggang dise-otso ang tinubuan ng mga kumakatas na bukol sa buong katawan na sinabayan ng mataas na lagnat. Halos kalahati tuloy ng mga kababayan ko ay lumapit sa akin at ibinebenta ang kanilang mga lupain at mga alagang hayop kapalit ng salapi upang makapunta sila ng Maynila at makahanap ng lunas sa karamdaman ng kanilang mga anak. Kagagaling lamang ng karamdaman ng aking anak, kaya para sa huling kahilingan ko, iligtas mo ang buong pamilya ko, laban sa hindi malamang sakit na ito.

 Pedro Crisostomo


Nakakatakot naman ang nangyaring iyon sa bayan nila. Napatingin tuloy ako sa mga anak ko na mahimbing na natutulog sa tabi ko. Buti na lang at malulusog sila at walang sakit. Pero kung sakaling mangyari iyon sa isa sa mga anak ko, walang pagdadalawang-isip, hihiling din ako sa diary na ito para gumaling ang mga anak ko.

Itutuloy ko pa sana ang pagbabasa ko ng diary nang mapatingin ako sa nakauwang na pintuan ng kwarto namin ng mga anak ko. Parang may nakita kasi akong dumaang lalaki na papunta sa direksyon ng kwarto naming mag-asawa. Kung hindi lamang naka-pula ang lalaking nakita ko, iisipin ko na si Lito iyon. Pero tanda ko kasi na naka-puti si Lito, dahil ako pa mismo ang nag-abot ng damit sa kanya kanina. Hindi kaya pinasok kami ng magnanakaw?

Dahan-dahan akong bumaba ng kama, kinuha ko ang bag ni Julliane at kinuha ko ang gunting sa loob ng pencil case niya. Hindi kalakihan 'yung gunting pero mabuti na 'yung may hawak akong panlaban kung sakaling magnanakaw nga 'yung nakita ko. Habang ginagawa ko iyon hindi naaalis ang tingin ko sa nakauwang na pintuan namin. Baka kasi biglang pumasok ang kung sino mang lalaking iyon dito sa kwarto namin, mabuti nang nakahanda ako, sakaling atakihin niya ako.

Nakayapak akong naglakad palabas ng kwarto at ingat na ingat ako na 'di makagawa ng ingay. Nakita kong nakabukas ang kwarto namin ni Lito at bukas ang ilaw sa loob. Ganoon matulog si Lito, laging nakabukas ang ilaw. Kapag nakapatay kasi ang ilaw hindi raw siya makatulog. May pagkaduwag din itong asawa ko eh. Lumapit ako sa nakabukas na pintuan at sinilip ang loob ng kwarto. Nakita ko si Lito na nakahiga sa kama at mahimbing pa ring natutulog. Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan upang makapasok ako ng biglang may malamig na hangin na tumama sa buong katawan ko. Parang ganito rin 'yung nangyari kahapon. Kinilabutan tuloy ako. Buti na lamang napatingin ako sa bukas na bintana sa loob ng kwarto kaya naisip ko na maaring doon 'yun galing, lalo na at gumagalaw ang kurtinang nakasabit doon na tila nilalaro ng hangin.

Nang makapasok na ako sa kwarto, wala namang tao. Tinignan ko rin ang mga cabinet, wala naman akong nakita. Pero may nakita talaga akong lalaki kanina at imposibleng bigla na lamang siyang mawala dahil wala siyang ibang dadaanan. Kung bababa siya ng hagdan makikita ko siya. Kung nasa loob siya ng kwarto namin, wala rin siyang lalabasan dahil may mga bakal ang bintana. Kung lumabas naman siya mula sa loob ng kwarto, imposibleng hindi ko siya makasalubong. Maliban na lamang kung... Parang bigla napigil ang paghinga ko sa takot. Paano kung hindi pala tao 'yung nakita ko?

Unti-unti na namang gumapang ang kilabot sa buong katawan ko. Nakaharap ako sa may pintuan at nang mapatingin ako doon, bigla akong napa-urong at napaupo sa kama, dahilan para magising si Lito.

May lalaking naka-pula na nakasilip sa may pintuan. Kalahati lamang ng katawan niya ang nakita ko dahil madilim sa may pasilyo., at hindi ko naaninag ang mukha niya bago pa siya mawala sa paningin ko. 

"Magda! Magda!" narinig kong sigaw ni Lito, habang niyuyugyog ako. "Magda! Anong nangyayari sa'yo?! Kanina ka pa tulala diyan!"

Hindi ko na nakuhang sumagot dahil dali-dali na akong tumakbo pabalik sa kwarto ng mga anak ko.

You can continue reading this story in my Dreame account. :) Link below. :)

https://www.dreame.com/novel/wLOxXn%2B7rLgeI0xYoGeyug%3D%3D.html

HILING (Published under Viva-Psicom)Where stories live. Discover now