Grade 6 marahil ang pinaka patay na taon para sa akin. Nalungkot ako nang malamang lilipat na pala kayo ng bahay, kasabay noon ang paglipat mo ng eskwelahan sa Maynila. Maraming oportunidad na naghihintay sa Maynila, iyon marahil ang dahilan ng iyong mga magulang. Isa na rin siguro ako sa dahilan ng paglipat niyo doon. Mas maigi na sigurong lumipat kayo kaysa makasama mo ang katulad ko. Kung tutuusin ay pinahamak lang naman kita. Dinala kita sa isang delikadong sitwasyon. Alam mo bang wala na rin si Ms. De Villa sa ating eskwelahan noon? Matapos ang insidenteng iyon ay hindi ko na siya nakita. Pakiramdam ko ay kasalanan ko lahat ang nangyari. Pero talagang hindi ko matanggap ang pagkawala mo Kath.
Wala akong naging kaibigan noon sa grade 6. Para bang pasan ko ang pag-iisa sa aking balikat. Hindi ko ginustong lapitan ako ng aking mga kaklase. Hindi ko gustong tinatawag ng guro ang aking pangalan para sumagot sa kanyang mga tanong. Hindi ko nga alam kung buhay pa ba ako sa paningin nila o isa na lamang bangkay na naghihintay ilibing dahil kahit na naroroon ako sa klase, parang hindi naman nila ako nakikita. May mga iilang nagtangka na makipagkilala sa akin pero ako na rin ang umiwas. Wala sa kanila ang isang tulad mo. Walang ibang makapagpapasaya sa akin kundi ikaw.
Ang pagiging pala-iwas ko sa tao ang naging dahilan kung bakit ako bumagsak sa ilang mga subject. Iyon din ang dahilan kung bakit kinailangan kong mag-summer class. Ang bakasyon ko ay nasayang dahil sa pag-aaral pero sa totoo lang, hindi rin naman ako interesado sa pagbabakasyon. Lalo ko lang naaalala ang masasayang bakasyon kasama ka. Naglalaro tayo sa malawak na bukirin at sa ilalim ng puno ng mangga ay magpapahinga tayo. Sa atin ang mundong ito, tayo lang dalawa ang naghahari sa ating malawak na palaruan. Magtatakbuhan tayo, maghahabulan, luksong baka, mataya-taya, tagu-taguan.Naaalala ko ang lahat habang nasa klase ako at ginugugol ang oras ko sa pag-aaral habang ang iba ay naglalaro. Muli akong malulungkot at mapapayuko.
____________________________
Anong oras na ba? Kailangan kong tingnan ang aking relo upang malaman ang oras. Ang oras ng alas tres ay ang oras ng pag-inom ng iyong gamot. Ito marahil ang oras na pinaka-ayaw mo. Sandali lang at kukunin ko ang gamot mo sa loob.
Ang gamot na ito ay makakapagpagaling sa iyo, pero hindi mo ninais na inumin ang ganitong klaseng gamot. Mapait, nakakapanghina...pero kailangan mo ito. Kailangan mong ibuka ang iyong bibig para inumin ang pinakaayaw mo. Huwag kang mag-alala, may tubig naman na nakaabang kaya't hindi mo malalasahan ang mapait na lasa ng iyong gamot. Pinainom kita ngunit tumapon lamang ang gamot sa iyong pisngi. Tila ba ayaw mong lunukin ang iyong gamot. Ito ang kailangan mo, ang inumin ang iyong tubig upang mawala ang mapait na lasa ngunit ganoon din ang iyong ginawa. Hindi mo nilunok ang tubig at hinayaan mo lang na dumaloy ito sa iyong pisngi pababa sa iyong dibdib. Napailing na lamang ako. Kailangan mong inumin ang iyong gamot pero dahil nga sa ayaw mo ay hindi ko na lamang ito ipipilit. Hayaan mong punasan ko ang iyong bibig at ang iyong leeg. Pasensya na Kath...pasensiya na at kailangang mangyari ito sa 'yo. Hayaan mong yakapin kita sa aking bisig, hayaan mong iparamdam ko sa 'yo ang pagmamahal. Hayaan mong alagaan kita...dahil ito ang gusto kong gawin noon pa.
Ayokong nakikita kang ganito...dahil nahihirapan din ako. Pasensiya na kung pumapatak ang mga luhang ito sa aking pisngi. Huwag kang malungkot, huwag kang magpaapekto.Magiging maayos din ang lahat.
___________________________
Noon ko lang naramdaman ang pakiramdam ng pag-iisa at pagsisisi. Nakakapansisi kasi kailangan ko pang gawin iyon para lang ipagtanggol ka, hindi ko alam na iyon pala ang magiging dahilan ng aking pag-iisa. Ang hirap din dahil kung kailang maayos na tayo noon ay kinailangan ko pang iwan ang bagay na nakakapgpasayasa akin. Oo, parang ako rin ang naging dahilan kung bakit kailangan kong mag-isa noon. Mga bata pa nga talaga tayo. Walang pakialam sa mundo, walang pakialam sa sinasabi ng mga tao. Pero hindi ibig sabihin noon na hindi natin alam kung ano ang nangyayari sa paligid natin.
Ang hirap lang talaga na sa tuwing gigising ako ng maaga ay sabik na sabik ako, saka ko lang maiisip na wala ka na nga pala. Mawawalan ako ng gana at muli na lang matutulog sa aking kama. Pilit akong ginigising ni mama noon para mag-asikaso lang sa pagpasok. Tamad na tamad ako. Ano nga ba ang dahilan para pumasok ng eskwelahan? Sabi ni mama sa akin edukasyon lang daw ang maipapamana nila para sa kinabukasan ko. Ang sabi ko naman...wala na akong kinabukasan, bakit kailangan ko pang mag-aral?
Dahil sa sermon at mga palo ni papa ay wala akong nagagawa. Umagang-umaga ay bibigyan niya ako ng suntok, tadyak at garote. Para bang lahat ng galit niya sa mundo ay sa akin niya ibinibigay. Wala na akong pakiramdam noon. Bukod sa pagkamanhid sa katawan ay manhid na rin ang puso ko. Wala na akong nararamdaman.
Natapos ang summer class ko, lubos akong nagpapasalamat dahil kahit papaano, kahit wala akong inspirasyon ay nakagraduate ako. Para bang hindi nga para sa akin ang graduation day na iyon, hindi ko maramdaman na graduate na ako. Patay na bata, iyan ang pakiramdam ko. Kumusta ka na nga ba noon Kath? Hindi mo nabanggit sa akin kung saan ka nag-aral noong grade 6. Iniisip ko nga kung nagkaroon ka na ba ng nobyo noon. Ginagawa niya rin ba ang ginagawa natin? Masaya ba kayo tuwing naglalaro? Pero masasabi kong hindi na tayo mga bata noon. Mga dalaga't binata na tayo...wala nang puwang ang iilang larong pambata sa atin. Para bang bigla tayong lumaki at nagkaisip sa mga bagay na puwede nating pagdaanan. High school na tayo, o siguro ikaw. Kinailangan kong tumigil sa pag-aaral noon Kath, dahil sa isang pangyayari na hindi ko inaasahan.
Oh huwag kang mag-alala. Huwag kang lumuha...alam kong naging mabigat pero kinaya ko naman. Tahan na...ang mahalaga ay ang ngayon. Ang nakalipas ay tapos na kaya't dapat tayong magpasalamat.

YOU ARE READING
Tagu-taguan
Romance"Tara laro tayo!" "Anong laro naman ang gusto mo?" "Tagu-taguan...ikaw ang taya ha?" "Haha sige sige gusto ko 'yan!" "Oh dali! Dali na takpan mo na ang mga mata mo tapos bilang ka hanggang sampu ah?" "Tapos hahanapin kita?" "Oo hahanapin mo 'ko. Kap...