Description
"Halatang apektado kaming lahat ng mga bali-balita tungkol sa aswang at kulto. May araw pa, hindi pa tumutunog ang orasyon, nagkaayawan na agad. Pati ang dilim, tila nagmamadaling lumatag kasunod ng pagsisindi ng mga garapa. Mabilis ding natatapos ang hapunan, at parang gusto ko nang magmakaawa habang ibinubuka ni inay ang nakarolyong banig sa aming sahig, hudyat ng mahaba at malagim na gabi ng isang gising pa'y kailangang pumikit na, sa takot mamalayang lahat ay tulog na." Minamahal kong mambabasa... Ginamit ko sa akdang ito ang sariling mga karanasan, ang karanasan ng ibang tao, ang karanasan ng bayan, at ang karanasang bungang-isip (imaginative) upang malinaw na mailarawan ang isang yugto ng ating kasaysayan. Ang mga detalye gaya ng mga pangalan, lugar at pangyayari ay pawang mga pinaghalong gunita, kathang isip, o panaginip lang, at depende na sa iyo kung hanggang saan mo paniniwalaan. Manolito C. Sulit Ibaan, Batangas Mga dibuho: Immanuel Genesis R. Sulit, Sophio Emmanuel R. Sulit