jajaaakawawah
Simula't umpisa naman, ang tanging hangad ko lang ay ang maranasan ang totoong pagmamahal at atensyon yung uri ng pagmamahal na hindi kailangan ng kung ano pa, at atensyong hindi kailangang hingiin. Pero habang tumatagal, unti-unti kong napagtatanto na baka hindi ko pala talaga mararanasan 'yon. Oo, may mga taong nagsabing mahal nila ako, pero sa kilos at trato nila, parang hindi naman totoo. Lagi akong nauuhaw sa atensyon. Parang laging may kulang, laging may hinahanap na hindi ko maipaliwanag. Para bang palaging may ibang mas pinapaboran, mas binibigyan ng halaga, habang ako, nasa gilid lang... naghihintay kung kailan ako mapapansin.
Mas masakit pa, kasi imbes na tanggapin ako kung sino ako, mas pinili pa nilang ikumpara ako sa iba. 'Bakit hindi ka katulad ni ganito?' 'Tingnan mo si ganyan, ang galing.' Unti-unti, nasanay akong ikumpara. Parang kahit anong gawin ko, hindi sapat. Kahit anong effort ko, wala, wala padin hindi nila nakikita. Hindi nila nakikita kung gaano ko sinusubukan, kung gaano ko binibigay best ko sa lahat lahat.
At sa huli, ako pa rin ang nauuwi sa pagiging opsyon. Ako pa rin ang laging huling naiisip. Hindi ako 'unang choice,' hindi ako ang una. Masakit. Nakakapagod. Dahil kahit anong pilit kong punan ang kulang, kahit anong pagpapakatatag, tila ba ako lang ang lumalaban para sa atensyong hindi ko naman kasalanang hanapin-dahil karapatan ko rin naman, hindi ba? Karapatan kong maramdaman na ako ay mahalaga?